AKAP AYUDA DI PULITIKA
NANAWAGAN ang mga miyembro ng Kamara de Representantes sa mga senador na huwag magpakalat ng kasinungalingan kaugnay ng Ayuda sa Kapos sa Kita Program (AKAP) na ginawa upang tulungan ang mga pamilya na kulang ang kinikita.
Sa isang press conference, sinabi ng mga mambabatas na walang kinalaman ang AKAP sa hakbang na amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng people’s initiative (PI).
“For the knowledge of everyone, ang AKAP is a regular line item already in the GAA (General Appropriations Act). Meron siyang a total of P26.7 billion. And nor does it state that it’s going to be used for the people’s initiative. So, I don’t know. You cannot just immediately conclude that it is going to be used for that purpose,” ani Bataan Rep. Geraldine Roman.
Sinabi naman ni Ako Bicol Party-list Rep. Raul Angelo “Jil” Bongalon na isang malaking kasinungalingan ang sinasabing paggamit sa AKAP upang makakalap ng pirma para sa PI.
“AKAP is full of good intentions at panawagan ko na lang sana huwag bigyan ng pangit na kulay,” ani Bongalon.
Si Sen. Imee Marcos ang nag-ugnay ng AKAP sa PI.
Sinabi naman ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. na ang AKAP ay ipatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at hindi ni Speaker Martin Romualdez o sinomang miyembro ng Kamara.
Ayon naman kay Bongalon, hindi dapat politikahin ang AKAP na makatutulong sa maraming Pilipino.
“Tanong ko na lang siguro, bakit po pilit na binibigyang kulay ang mga ayuda ng gobyerno at pilit po na ikinokonekta dito sa people’s initiative? Ayuda po ‘yan ng gobyerno. The last time I checked, it is the Executive Department who is the implementing agencies for these respective programs,” wika pa ni Bongalon.
“Bakit po ngayon bibigyan nila ng kulay at kami daw ang nag-iimplementa nitong mga programang ito? These are programs of different agencies of the government. Wala pong say dito ang mga House members,” saad pa nito.
“So ‘yun lamang po ang aking kapaliwanagan para po hindi po mabudol ang ating taong bayan na pilit na pinapasama ang imahe ng mga kongresista,” dagdag pa ni Bongalon.
Ipinunto ni Gonzales na alam ni Sen. Marcos na kasama ang AKAP sa 2024 national budget at pumirma umano ito sa bicameral conference committee report ng general appropriations bill (GAB).
“It would be absurd now for senators to be questioning the AKAP and other assistance funds included in the national budget and administered by the [DSWD] because they approved it,” punto pa ni Gonzales.
“In fact, Senator Imee signed this committee report, this bicam. They are stopped from speaking against or criticizing what they have approved unless they tell us now that they voted yes without reading the budget or at least the conference committee report which is a summary of the outlay,” dagdag pa ni Gonzales.
Sina Gonzales at Bongalon ay parehong miyembro ng bicameral conference committee na tumalakay sa 2024 GAB.
Ayon naman kay 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, miyembro ng minority bloc sa Kamara, mali ang pinalalabas na isiningit lamang ng Kamara ang AKAP sa budget ng walang kaalam-alam ang mga senador.
“So ikinagulat po personally this representation sa allegation that this is an insertion on the part of the House,” sabi ni Gutierrez. “We were shocked to find out that they’re (senators) unaware of this AKAP.”
“But it seems to be very clear, nakita po namin line item naman, may special provision pa nga po doon sa ating GAA for 2024,” dagdag pa nito.
Iginiit din ni Gutierrez na maganda ang hangarin ng AKAP.
“Di porket insertion po ito sa bicam, ibig sabihin may masamang intention. I hope we can do away with putting malice to that…We welcome AKAP kasi we do believe na maganda ang layunin nito,” wika pa ni Gutierrez.