
Aira at Sugar, nagkwento tungkol sa pangmamanyak sa kanila ng fans
Naging biktima rin pala ang Sex Bomb dancers ng panghihipo ng manyakis na fans noong kasikatan nila.
Ikinuwento ito nina Aira Bermudez at Sugar Mercado sa guesting nila sa “Fast Talk with Boy Abunda” last Monday.
Natanong ang dalawa kung ano ang mga hindi nila malilimutang karanasan pagdating sa fans noong peak ng kanilang kasikatan.
“Kasi, ‘yung ibang fans namin, dahil mabait kami sa fans namin, tini-treat namin sila na parang pamilya at friends namin,” simula ni Aira.
“So, ‘yung iba sa kanila kasi, parang nag-take advantage. Tapos, ‘yung iba naman, nangyayari sa sitwasyon na kunyari, may performance kami, umaabot na sa hipuan, ‘yung mga ganu’n,” patuloy niya.
Sabi naman ni Sugar, ang ginagaw nila, pila-pila sila at magkakayakap habang hawak ang mga pribadong bahagi ng katawan nila.
“Kaya, Tito Boy, ang ginagawa namin, naka-ganu’n kami (nakayakap sa isa’t isa) isa-isa, pila-pila kami, nakayakap, hawak namin ‘yung mga bahagi ng katawan namin, papasok at papalabas (ng venue),” sey ni Sugar.
Sabi naman ni Boy, nakita nga niya ‘yung pagkakataong ‘yun before at ngayon lang niya naliwanagan na ‘yun pala ang dahilan.
Sabi ni Aira, “Nagpe-perform kami for them hindi para ganunin (bastusin) nila.”
Anyway, as we all know ay may kanya-kanya nang buhay ang original Sex Bomb members kabilang sina Aira, Sugar, Rochelle Pangilinan, Jopay Paguia, Izzy Trazona at marami pang iba.
Si Aira ay naka-base na sa Adelaide, Australia, kasama ang asawang Australian at aniya ay happy and contented siya sa buhay ngayon. Umuwi siya ng Pilipinas dahil yumao ang kanyang ina noong September 8.
Si Sugar naman ay happy bilang single mom sa dalawang anak at napapanood pa rin natin sa iba’t ibang shows sa GMA-7.