Aiko Melendez

Aiko, nakiusap sa vloggers… ‘’Wag n’yo naman hong palabasin na parang mamamatay na ako’

May 14, 2023 Vinia Vivar 267 views

Nakiusap si Aiko Melendez sa mga vlogger at YouTubers na huwag naman  palabasin na nasa malubha siyang kalagayan at parang mamamatay na.

Matatandaang nag-positibo si Aiko sa COVID-19 at kasalukuyan pa ring nagpapagaling.

Sa kanyang YouTube vlog na in-upload last Saturday, kinastigo ni Aiko ang mga vlogger sa YouTube na naglalabas ng fake news tungkol sa kanya.

Aniya, palibhasa ay marami siyang time ngayon, na-check niya ang ibang YT channels na naglalabas ng mga balita tungkol sa kanya.

“Meron lang ako sanang gustong i-clarify, ayoko na ngang patulan, kaya lang, may mga iba kasing mga channel on YT claiming na malubha raw po ang sakit ko,” aniya.

Aminado siyang nahihirapan siya sa kanyang COVID at may pagkakataong hindi siya makahinga. Alam din niyang hindi dapat ipagwalang-bahala ang nasabing virus. Pero hindi naman daw tama na palubhain pa ang kanyang kundisyon.

“Ang pangit kasi ng headline sa mga YT ng ating mga kasamang YouTuber  na malubha po ang aking sakit. Ako po’y lumalaban pa rin sa COVID at alam kong malalampasan ko naman ito dahil maraming nagdarasal po sa akin.

“Pero ‘wag n’yo naman hong palabasin na parang mamamatay ako or naaksidente na ako. Kasi sa mga picture na nandiyan po, it looked like that I’m really dying,” aniya.

Marami raw mga kaibigan niya ang na-clickbait sa mga nasabing vlog at nag-aalala para sa kanya.

“Huwag pong ganu’n. Kung gusto n’yo pong kumita at my expense po, huwag naman po kayong gumawa ng kwento para ikaalarma po ng mga taong totoong concerned po sa akin,” mensahe pa niya sa mga vlogger.

Pinag-iingat din niya ang lahat dahil hindi pa rin nawawala ang COVID at ugaliin pa rin daw ang magsuot ng face mask.

AUTHOR PROFILE