Aiai

Ai-Ai naniniwalang may third party sa hiwalayan nila ni Gerald

November 12, 2024 Vinia Vivar 143 views

Kinumpirma na nga ni Ai-Ai de las Alas na hiwalay na sila ng asawang si Gerald Sibayan matapos ang sampung taong pagsasama.

Sa panayam sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Lunes, idinetalye ng komedyana kung paano sila naghiwalay ng mister.

“Last month pa, basta, hindi ko makakalimutan, October 14 na nag-chat siya, madaling araw dito sa Pilipinas,” pahayag ni Ai-Ai.

“’Yun nga, sinabi niya na gusto niyang magkaanak and hindi na siya happy. So, medyo confused ako and shocked. Bakit ngayong oras na ‘to? Bakit? Sana hintayin mo man lang akong makauwi sa Amerika? Maraming bakit,” patuloy ng actress/comedienne.

Wala umano silang anumang pinag-awayan kaya gulat na gulat siya nang biglang nakikipaghiwalay na sa kanya ang mister.

“In fairness, wala naman talaga kaming pinag-aawayan. Actually, sa buong pagsasama namin, talagang bilang sa daliri yung… discussion nga, eh, hindi nga yung away, eh. So, parang nagulat nga ako na why ngayon? Anong meron sa October? Anong meron ngayong araw na ‘to and bakit madaling araw dito,” aniya.

Bagama’t noon pa naman ay nire-ready na niya ang sarili niya sa ganitong sitwasyon dahil alam niyang mas bata sa kanya si Gerald, ikinagulat pa rin niya dahil hindi niya inasahang ngayon na ang panahong ito.

Tinanong ng ni Kuya Boy kung saan nanggagaling ‘yung hindi na masaya si Gerald at sey ni Ai-Ai, “Actually, hindi ko alam. Sabi ko nga sa ‘yo, never naman kaming nag-away. Always discussion lang at bihirang-bihira ‘yun. Or siguro, baka hindi ko lang napapansin kasi nandito ako (sa Pilipinas), siya naman, busy sa work.”

Asked kung may third party, ayon kay Ai-Ai, nararamdamang niyang meron.

“Bilang asawa, ‘di ba, ang mga asawa malalakas ang (pakiramdam)? Ako, ramdam ko, meron. Ramdam ko. Gut feel. Pero it doesn’t matter naman kung meron o wala. Kasi nu’ng sinabi niya na firm na siya sa decision, wala na naman akong ilalaban, ‘di ba?

“’Pag lumaban pa kasi ako, kunyari nag-stay ako, alam ko naman ang magiging ending. ‘Yung dignity at self-worth ko, mawawala na ‘yun, eh. Magtira naman ako kasi alam ko na mangyayari uli ‘yon. Kasi nu’ng 2019, nag-cheat na rin siya noon.

“So, parang may trust issues na ako. So, siguro, isa yon sa… minsan hindi ko alam na pagtalak ko sa kanya. O, minsan ‘yung hindi naman mahigpit, pero ‘yung tanong na, ‘Nasaan ka na? Sabi mo, 12 midnight nandito ka na,’” lahad ni Ai-Ai.

Hindi na rin siya humingi ng paliwanag kung bakit hindi na ito masaya sa relasyon nila.

“Tinray ko naman ang lahat ng gusto niya, like gusto niya palagi akong nagluluto, so nagluluto ako. Gusto niya malinis ang bahay. Kumbaga, tinray ko naman ang lahat ng best ko. So, nu’ng sinabi niya yun… hindi naman puwedeng ‘pag gusto niyang maging masaya, tumambling na lang ako everyday. Ano pa ba ang hindi ko pa nagawa, eh, parang nagawa ko naman na lahat,” paliwanag ni Ai-Ai.

Feeling niya ay malaking factor din ang age gap nila.

“Siguro nag-iba na ‘yung priorities niya, tapos baka nakakita siya ng mas magiging masaya siya, kaya malaking factor din ‘yun. Alam na niya ngayon how to fly. Parang kasi dati, ako ‘yung medyo nagmamaniobra, kasi ako talaga ‘yung medyo matanda sa kanya. So ngayon, meron na siyang karapatan to fly, nagwo-work na siya. Nandoon na siya sa Amerika,” aniya.

Ikinasal sina Ai-Ai at Gerald noong December, 2017 sa Christ the King Parish, Green Meadows, Quezon City. Nagkaroon din sila ng renewal of vows noong 2022 sa Las Vegas, Nevada.

AUTHOR PROFILE