
Agarang aksyon ng Senado sa impeachment case hiniling
UMAPELA si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa Senado na kumilos “forthwith” sa impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, binigyang-diin ang mandato ng Konstitusyon na nagtatakda ng agarang paglilitis.
Sa isang liham na may petsang Pebrero 14, 2025, na ipinadala kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, binigyang-diin ni Pimentel ang pangangailangang umaksyon kaagad, binanggit ang Article XI, Section 3, Paragraph 4 ng 1987 Konstitusyon na aniya malinaw na nakasaad na ito ay agaran aksyon.
Ayon sa probisyong ito, kapag ang isang beripikadong reklamong impeachment ay inendorso ng hindi bababa sa isang-katlo ng Kapulungan ng mga Kinatawan, ito ay awtomatikong nagiging Articles of Impeachment at ang paglilitis sa Senado ay kailangang “forthwith proceed.”
Ipinaliwanag ni Pimentel na ang salitang “forthwith” ay dapat unawain sa karaniwan at payak nitong kahulugan, na, ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ay nangangahulugang “without any delay” o “without interval of time.”
Dagdag pa niya, ginagamit sa opisyal na pagsasalin sa Filipino ng Konstitusyon ang salitang “agad,” na higit pang nagpapatibay sa tungkulin ng Senado na kumilos kaagad sa kaso.
“Given the gravity of impeachment proceedings, it is imperative that the Senate uphold its duty with urgency, diligence, and a steadfast commitment to the Constitution,” saad ni Pimentel sa kanyang liham.
Samantala, sumuporta si Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros sa panawagan ni Pimentel na agad nang umaksyon ang Senado sa impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Duterte.
“Well, bilang senador at kapag nahinog ang isang impeachment process magiging sa isang senator-judge ay dapat manatiling neutral o impartial. Pero nakikiisa ako doon sa sulat na inilabas ng aking Minority Leader na si Senator Koko Pimentel na sa kanyang pag-intindi sa Konstitusyon ay malinaw ang utos sa amin na once ma-transmit sa amin ang Articles of Impeachment tulad ng nangyari ay agad na mag-convene.”
Ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ay isyung hinahantay ng Marami, base na rin sa survey. Hindi pa nagtatakda ng petsa ang Senado para sa paglilitis.
Binigyang-diin sa liham ni Pimentel ang pangangailangang pabilisin ang proseso alinsunod sa mga itinakdang probisyon ng Konstitusyon.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pahayag si Senate President Escudero kaugnay ng liham. Inaasahang tatalakayin ito ng liderato ng Senado sa mga susunod na araw.