Aga

Aga, gaganap na PBBM sa ‘MaM’

February 28, 2023 Ian F. Fariñas 391 views

Aga Muhlach bilang present day President Ferdinand “Bongbong” Marcos.

’Yan ang bagong pasabog na iniwan ng kontrobersyal na direktor na si Darryl Yap sa mga nanood ng red carpet premiere ng Martyr or Murderer sa SM North EDSA The Block Cinemas 1, 2 and 3 nitong Lunes ng gabi.

Si Aga nga ang napiling aktor na gumanap sa papel ni PBBM sa ikatlong installment ng Marcos trilogy ng Viva Films at VinCentiments na pinamagatang Mabuhay Aloha Mabuhay o MaM.

At kung pagbabasehan ang reaksyon ng audience nang ibagsak ang teaser sa last frame ng MoM, mukhang marami ang mag-aabang kung paano itatawid ng multi-awarded actor ang nasabing papel.

Doon din nalinawan ng press ang sinabi ni Direk Darryl sa MoM grand mediacon na mahal kung pinaarte niya ang gaganap na PBBM kaya phone scene na lang ginawa niya sa nag-trending na Eula Valdez scene sa official trailer.

Bago mag-umpisa ang screening, sinabi ng direktor na, “It’s a very difficult movie to make and it’s a very fun movie to promote. So along with all the hopes and of course, ang aming dreams with this movie, this is just the second tapos make this successful so we can do the third. So in behalf of my staff and the whole team, MoM, maraming, maraming salamat po.”
Siyempre, present din sa premiere ang Viva bosses na sina Boss Vic del Rosario, Vincent, Valerie at Veronique del Rosario, creative producer na si Sen. Imee Marcos at ang cast na dumating in formal attire.

Pinangunahan ito nina Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Cristine Reyes, Diego Loyzaga, Ella Cruz, Beverly Salviejo at Elizabeth Oropesa, among others.

Bilang sakop ng istorya ang panahong inilagi ni Sen. Imee sa Morocco, Moroccan ang theme at bihis ng lobby ng The Block.

Sa kanyang speech, sinabi ni Sen. Imee na, “Ako’y nerbyos na nerbyos dahil ito ‘yung karugtong ng unang pelikula na katuwaan lamang, Maid in Malacañang. Subalit tinangkilik ninyo at niyakap ninyo ang mga karakter. Tinanong sa hulihan ‘ano ang nangyari pagkatapos ninyong makaalis ng Malacañang?’ Ito na ‘yung karugtong ng kwento. Sana magustuhan ninyo ‘yung pelikula tunay na nag-effort ang lahat ng cast at ‘di hamak na mas maganda.”

Kung nadala kayo sa pagganap ni Cristine bilang Sen. Imee sa MiM, mas madadala kayo sa mga eksena niya sa MoM, lalo na tuwing magkasama sila ni Cesar bilang si dating Pres. Marcos, Sr.

Family docu drama nga ang MoM na nagpapakita kung gaano kaordinaryong pamilya rin ang mga Marcos gaya ng maraming Pilipino.

Ang pagkakaiba lang, eh, ang struggles nila bilang isang pamilya na napagitna sa gulo at giyera sa pulitika.

Limang magkakaibang panahon ang nakapaloob sa pelikula na marahil ang ibang mga detalye ay ngayon pa lamang naisapubliko.

Anyway, palabas na ang Martyr or Murderer ngayong Miyerkules, March 1, sa 250 cinemas nationwide.

AUTHOR PROFILE