Default Thumbnail

AFP itinuturo napatay na NDF consultant sa pagtaas ng krimen sa Negros

December 3, 2022 Zaida I. Delos Reyes 271 views

UTAK ng pagtaas ng krimen” sa Negros Island ang napatay na consultant ng National Democratic Front (NDF).

Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Acting Spokesman Colonel Medel Aguilar.

Matatandaang si Ericson Acosta at isa pang kasamahan nito na si Joseph Jimenez ay nasawi sa engkuwentro sa tropa ng Army’s 94th Infantry Battalion (IB) sa Barangay Camansi, Kabankalan City, Negros Occidental noong Nobyembre 30.

Ayon kay Aguilar, “taliwas” umano sa pinalulutang ng makakaliwang grupo na isa lamang “makatang manunula” si Acosta – siya diumano ang tumatayong Deputy Secretary ng Regional Committee ng CPP-NPA (Communist Party of the Philippines-New People’s Army) sa Negros Island ayon sa AFP.

Sa pahayag ng isang human rights group, si Acosta ay dating Editor ng Philippine Collegian, ang publikasyon ng University of the Philippines (UP) at isang manunula sa panahong aktibo pa ito sa kaniyang pag-aaral sa nasabing pamantasan.

Bukod dito, si Acosta ay isa sa “consultant” ng NDF na nagtratrabaho umano sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) habang si Jimenez ay isang “organizer” ng samahan ng mga magsasaka.

“The truth is, it is just a cover of his being the Deputy Secretary of [the] Regional Committee of CPP in Negros Island. Such position makes him the brain and author behind all crimes and unlawful acts of the NPA in the island,” ani Aguilar.

Una nang nanawagan ang grupong Karapatan, isang alyansa ng human rights groups sa Commission on Human Rights (CHR) na imbestigahan ang insidente dahilan hinuli umano ng buhay sina Acosta at laking gulat nila ng ianunsyo ng militar na napaslang ang mga ito sa engkuwentro.

Nanindigan naman si Aguilar na lehitimong engkuwentro ang naganap sa pagitan ng tropa ng mga sundalo at ni Acota na ikinasawi ng huli at ng kasamahan nitong rebelde.