BBM File photo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kanyang dating political officer na si Gerald Dequina.

ADIK ISSUE VS MARCOS LUMA, PANIS NA — DEQUINA

August 7, 2024 Camille P. Balagtas 105 views

LUMANG tugtugin na, panis na!

Ito ang pakantiyaw na pahayag ng dating political officer ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na si Gerald Dequina kung saan ay minaliit niya ang mga putik na binabato laban sa punong ehekutibo gayundin sa maybahay nitong si First Lady Liza Araneta Marcos.

Ayon ay Dequina, maliwanag naman na ang mga paratang laban sa Pangulo at sa maybahay nito ay isang malaking kasinungalingan. Ito aniya ay kasama sa kampanya ng ilang taong nais lamang wasakin ang kredibilidad ng Pangulong Marcos at ng kanyang pamilya.

Pinagtawanan din ni Dequina ang mga paratang na lumalabas laban sa Pangulo matapos itong hindi kagatin ng publiko at ipinagwalang bahala din mismo ng Palasyo ang mga salitang maliwanag aniyang Marites lamang.

Bilang dating political officer ni Marcos, mula pa nuon 2013 at kahit aniya nuong 2016 ay halos 18 oras silang magkakasama ng mga ito at halos tulog na lamang aniya ang panahon na sila ay naghihiwa-hiwalay para na lamang makapagpahinga.

Ipinagtapat din ni Dequina maging sa mga lakad ng Pangulo Marcos nuon ay partikular ito sa mga amoy tulad ng sigarilyo, usok, kahit air freshener lamang ay hindi na nito matagalan ang amoy.

Kaya’t napakalabo aniyang drugs ang ibibintang dito dahil malabo aniya ito sa katotohanan at sa personalidad ng punong ehekutibo.

Si Dequina na palagian nuon na kasa kasama ni Marcos Jr., ay inilarawan din niya ang kasalukuyang Pangulo na sobrang workaholic at sobrang focused trabaho upang mahabol ang kaniyang mga kausap at obligasyon.

Dagdag pa ni Dequina, wala siya minsan man nakitang panahon na sinayang ng Pangulo para sa pansariling kapakanan.

Naniniwala si Dequina na ang mga taong nagpapakalat ng mga masasamang impormasyon at kwento laban sa Pangulo at sa kanyang pamilya ay gusto lamang sirain ang imahe ng mga Marcos para sa pansariling motibo at interes.

Pinayuhan niya ang taumbayan na maging mapagmasid, mag-isip ng malalim at huwag pakinggan ang mga nasa sa likod ng ganitong uri ng mga paninira laban sa Pangulo at sa kanyang pamilya sapagkat ito aniya ay hayagang kasinungalingan ng mga nais alisin sa poder ang kasalukuyan administrasyon.