
Act as One: Mental health ng COVID patients tutukan
DAPAT tutukan ng Department of Health at local government units (LGU) ang mental health ng COVID-19 patients at kanilang pamilya, lalo na ‘yung mga nakaranas ng malubhang karamdaman.
Ito ang panawagan ni Atty. Reynold Munsayac, first nominee ng ACT As One Party-list, sa IATF, DOH at LGUs. Aniya, dapat umanong bumalangkas ng programa upang gamutin ang post-COVID stress at trauma na maaaring makaapekto sa mga pasyenteng gumaling, gayundin ang kani-kanilang pamilya.
“Ilagay natin ang ating sarili sa kanilang lugar: magkahalong takot, pangamba, alinlangan at pag-aalala ang mararamdaman mo kapag ika’y tinamaan ng COVID, lalo na kung malubha at na-ospital. Bukod sa pakiramdam na walang katiyakan ang paggaling, may kaba din sa nakaambang gastos sa pagpapagamot,” paliwanag niya.
Ayon kay Munsayac, ang karaniwang tugon ng IATF sa COVID ay “prevent, detect, isolate, treat, at reintegrate” o PDITR. May protocol din ang IATF at LGU sa lahat ng maaaring mangyari, sakaling may mag-positibo, may surge, mamatay sa COVID, at marami pang iba.
Ngunit ayon kay Munsayac, na dating chairman ng Presidential Commission on Good Government, hindi umano kabilang sa protocols ng pamahalaan ang anumang intervention sa mental health wellness ng pasyente at pamilya nila ukol sa stress o trauma na kanilang pinagdadaanan.
“Sana’y isama ang mental o psychological health intervention bago ang reintegration o muling pagsanib sa lipunan ng mga nagka-COVID. Bago sila bigyan ng health certificate, siguruhin munang may konting therapy o konsultasyon sa psychologist o mental health professional. Malaking bagay ito dahil ‘singhalaga ng mental health ang physical health,” diin niya.
Unang nabuo ang ACT As One sa kasagsagan ng pandemya noong 2020 bilang tugon sa kakulangan ng suporta sa mga ospital kung saan namahagi ang grupo ng iba’t ibang tulong sa mga institutsyong pangkalusugan na noon ay nahihirapan sa dami ng kaso ng COVID.
Kasama na dito ang mga PPEs, medical equipment, pagkain at iba pang pangangailangan ng mga medical frontliners sa mga ospital. Nagtayo rin ang ACT As One ng sarili nitong COVID isolation facility sa UP Diliman kasabay ng pagdami ng kasi ng COVID.