sarah

ABS-CBN, nagpugay sa mga Pilipino sa 2021 Christmas ID

November 9, 2021 Ian F. Fariñas 587 views

PioloSa isang taong puno ng pagsubok, isang awiting nagpupugay sa mga Pilipinong nagbibigay ng pag-asa at inspirasyon ang alay ng ABS-CBN sa pagdiriwang ng Pasko ngayong 2021.

Nitong Lunes (Nobyembre 8) ng gabi, ipinarinig na ang Andito Tayo Para Sa Isa’t Isa na siyang tampok na kanta sa “2021 Christmas ID ng mga Pilipino,” na ilulunsad naman sa Biyernes (Nobyembre 12) sa TV Patrol.

Kinukwento sa awitin kung paano nalampasan ng mga Pilipino ang sari-saring problema, kabilang ang pandemya, mga bagyo, pagbaha, pagsabog ng bulkan, at lindol, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, paghugot ng lakas sa isa’t isa at pagkakaisa sa pag-ibig.

Tampok sa recording and lyric video na ipinalabas sa iba’t ibang platform ng ABS-CBN sa cable at online sina Ogie Alcasid, BGYO, Kathryn Bernardo, Andrea Brillantes, Sharon Cuneta, Darren Espanto, Seth Fedelin, Sarah Geronimo, Belle Mariano, Martin Nievera, Daniel Padilla, Zsa Zsa Padilla, Donny Pangilinan, Inigo Pascual, Piolo Pascual, Erik Santos, KZ Tandingan, Gary Valenciano, Regine Velasquez-Alcasid at Vice Ganda na nagbigay-buhay sa kanta.

Sinulat ang lyrics ng Andito Tayo Para Sa Isa’t Isa nina Robert Labayen at Love Rose De Leon ng ABS-CBN Creative Communication Management (CCM) division kasama si Thyro Alfaro.

Ang CCM din, sa pangunguna nina Robert, Johnny Delos Santos, at ABS-CBN Chief Operating Officer of Broadcast Cory Vidanes, ang nasa likod ng recording and lyric video ng Andito Tayo Para Sa Isa’t Isa: 2021 Christmas ID (CID) ng mga Pilipino.

Mapapanood sa CID ang mga kwento ng mga Pilipinong kapupulutan ng inspirasyon kasama ang iba pang mga bituin at personalidad na Kapamilya.
Samantala, maaari nang bumili ng limited edition Andito Tayo Para Sa Isa’t Isa Christmas shirts at face masks para sa pamilya at pang-regalo ngayong Pasko.

Pumunta lang sa authorized partners na Shirts and Prints PH sa Facebook at E-commerce stores para sa Andito shirts, at InstaMug naman sa Facebook at Instagram para sa Andito Masks.

Panoorin ang Andito Tayo Para Sa Isa’t Isa recording at lyric video sa mga cable channel ng ABS-CBN tulad ng Kapamilya Channel at online sa Kapamilya Online Live, iWantTFC, ABS-CBN Entertainment Facebook page at YouTube channel at iba pang digital platforms ng ABS-CBN.

AUTHOR PROFILE