BMW INIIMBESTIGAHAN ng mga operatiba ng Scene Of Crime Operatives (SOCO) Manila Police District ang isang abandonadong BMW matapos na dukutin diumano ang driver nito, Huwebes ng madaling araw sa Malate, Manila. Kuha ni Jon-jon Reyes

Abandonadong sasakyan nakita, driver nawawala

February 3, 2022 Jonjon Reyes 237 views

MASUSING iniimbestiga ngayon ang isang abandonadong sasakyan kung saan ang driver nito ay sapilitang dinukot ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek, makaraang matagpuan malapit sa harap ng Malate Church, Manila, Roxas Blvd., madaling araw nang Huwebes.

Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Rodel Borbe, commander ng Manila Police District (MPD) Malate Police Station 9, umaga na nang madiskubre ang dark blue na BMW na may plakang NDE-5943 habang umaandar pa ang makina at radyo nito sa tapat ng Aristocrat Restaurant sa Roxas Boulevard.

Dahil dito, agad na kinordon ang paligid ng sasakyan bago pa man tumawag sa MPD Scene of the Crime Operatives (SOCO) Headquarters.

Sa report ng pulisya, pasado alas 4:00 pa umano ng madaling araw nang mapansin ng ilang mga tao sa lugar ang iniwang kotse.

Napansin din ng mga imbestigador na bukas ang dashboard ng nasabing sasakyan kung kaya’t inaalam na rin kung maaaring makapagbibigay linaw ang makukuhang footage mula sa dashcam nito.

Basag ang harapang salamin at maging ang bumper nito ay may mga gasgas din.

Ayon sa ilang saksi sa lugar, apat na lalaking suspek ang umano’y dumukot sa biktima.

Sakay umano ang mga suspek ng dalawang sports utility vehicle at mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng Quirino Ave. sa Malate.

Gayunman, hinihingi na ng pulisya ang mga CCTV sa lugar para sa karagdagang impormasyon hinggil sa insidente.

Sa huling datos ng pulisya, iniutos na ni MPD District Director, P/BGen. Leo “Paco” Francisco, kung kanino nakapangalan ang sasakyan at napag-alaman na sa Delmonte umano ito nakarehistro. Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE