Abalos nanawagan ng govt, private sector collab para sa HIV/AIDS cure
NANAWAGAN si Benjamin “Benhur” Abalos Jr. sa pamahalaan at pribadong sektor na suportahan ang mga scientists at eksperto sa kanilang pagsasaliksik para makahanap ng lunas sa HIV/AIDS (Human Immunodeficiency Virus/ Acquired Immunodeficiency Syndrome).
Si First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos ang nagpahayag ng suporta para sa mga kampanya sa kamalayan tungkol sa HIV/AIDS kamakailan, ayon sa dating kalihim.
Virus na umaatake ang HIV sa immune system ng katawan, partikular sa mga white blood cell na tumutulong labanan ang mga impeksyon at sakit.
Kung walang paggamot, unti-unting masisira ng HIV ang immune system na maaaring humantong sa AIDS, ang pinakamalubhang yugto ng HIV infection.
Ang HIV naipapasa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnay sa ilang likido ng katawan ng isang taong may impeksyon, tulad ng dugo, gatas ng ina, semilya, vaginal fluids at rectal fluids.
Maaaring itong maipasa sa pamamagitan ng pakikipagtalik nang walang proteksyon, paggamit ng mga karayom nang magkakasalo, o mula sa ina papunta sa kanyang anak sa panahon ng pagbubuntis, panganganak, o pagpapasuso.
Noong Hunyo, naglabas ng ulat ang University of the Philippines (UP) Manila na nananawagan ng pakikipagtulungan upang mapabuti at mapalawak ang paggamot sa HIV bilang tugon sa pagtaas ng mga kaso ng HIV sa Pilipinas.
Si Dr. Sheriah Laine M. de Paz-Silava, associate professor at communications officer sa Department of Medical Microbiology ng UP Manila–College of Public Health, nagsagawa ng isang pananaliksik na nagpapakita na ang isang halamang gamot na tinawag niyang “Mc” ay may “promising potential sa pagsupil ng virus production nang hindi nakakasira sa host cells bilang isang ‘functional cure’ para sa HIV.”
“We are on the brink of something extraordinary. A potential Pinoy-made cure for HIV is within our reach, and this is a moment we cannot afford to ignore,” sabi ni Abalos.
Sinabi niya na ang inobasyon ay hindi lamang nagbibigay ng pag-asa para sa mga may HIV, kundi isang patunay rin sa katalinuhan at tibay ng mga siyentipiko at mananaliksik na Pilipino.
Hinimok ni Abalos ang kooperasyon sa pagitan ng gobyerno at pribadong sektor upang higit pang mapaunlad ang inobasyon ni Dr. de Paz-Silava.
Binibigyang-diin niya na ang laban kontra HIV ay nangangailangan ng nagkakaisang pagsusumikap mula sa lahat ng sektor ng lipunan.
Nanawagan din siya sa publiko at iba’t ibang sektor ng lipunan na magkaisa upang itaas ang kamalayan at labanan ang stigma na nakapalibot sa HIV/AIDS.
“It is essential that we break the silence surrounding HIV/AIDS. We cannot afford to be complacent. Every Filipino deserves to live a healthy, fulfilling life, free from the fear of discrimination or the spread of this virus.
We must empower individuals with the knowledge to protect themselves and provide a supportive environment where they can seek help without fear of judgment,” sabi ni Abalos.