
Abalos na-challenge sa pag-iyak ni Katrina
Aminado si senatorial candidate Benhur Abalos na hindi madaling maging artista.
Kahit na nga ba nasa politika siya, paminsan-minsan ay hindi siya makatanggi kapag naiimbitahan siyang mag-guest sa mga TV show.
Napanood ang dating mayor ng Mandaluyong sa cameo roles niya sa mga GMA teleserye na “Black Rider,” “Liliet Matias: Attoney at Law” at “Mga Batang Riles.”
Ayon kay Benhur nang makausap namin last Tuesday sa presscon ng partidong kinabibilangan, ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, noong nag-aaral pa siya ay sumali-sali siya sa mga play sa school kaya hindi na bago sa kanya ang pag-arte.
Okay naman daw ang naging experience niya sa showbiz at hindi naman siya nahihirapan dahil kadalasan ay ‘as himself’ ang kanyang role tulad sa “Mga Batang Riles” kung saan ay gumanap siyang DILG secretary na dati niyang posisyon.
Naging challenge lang sa kanya nang maka-eksena niya si Katrina Halili dahil napakagaling nitong aktres.
“Maya-maya umiiyak na (si Katrina). Sabi ko, ‘hindi ako pwedeng magkamali dito,’” natatawang sabi ni Benhur.
Mahirap daw pala ang maging artista lalo na ang mga paghihintay sa set.
“So, kung minsan, magsisimula ka nang maaga, matatapos ka, madaling-araw na. ‘Buti na lang may Eddie Garcia Law. Malaking bagay ang Eddie Garcia Law,” aniya.
Pero nasasanay na rin naman siya dahil nga mga bigating artista ang kanyang mga nakakasama.
Asked kung itutuloy pa ba niya ang kanyang showbiz career sakaling manalo siyang senador sa darating na eleksyon, natawa ang politiko.
“Tignan natin kung papaano, dahil unang-una, kailangan ko muna talagang manalo, eh,” sambit niya.
Ang unang-una raw niyang gagawin kapag nanalo siya ay reresolbahan niya ang problema ng film piracy sa movie industry dahil kawawa naman daw ang mga producer na gumagastos nang malaki pero hindi pa man naipalalabas ang movie ay napirata na.
“It should be addressed. If you want the film industry to progress, importante ‘yan. You give incentives and at the same time, hulihin mo ‘yung mga dapat hulihin. ‘Yan ang priority ko talaga,” pahayag ng kumakandidatong senador ngayong 2025 elections.