Bello

90K child laborers nailigtas mula sa mapanganib na trabaho – DOLE

June 24, 2022 People's Tonight 91 views

MAHIGIT 90,000 child laborers ang nailigtas mula sa mapanganib na mga trabaho mula nang simulan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang “profiling” ng mga batang manggagawa.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III, layon ng inisyatibong ito na lumikha ng “database” na siyang batayan upang makapagbigay ng mga naaangkop na serbisyo at suporta na kinakailangan upang maialis ang mga kabataan mula sa mapanganib na trabaho.

Ang profiling ay naaayon sa layunin ng Philippine Development Plan 2017-2022 na mabawasan ng 30% ang mga kaso ng child labor.

Mula noong 2018, nakalap ng DOLE ang pangunahing demograpikong impormasyon ng mahigit 400,000 batang-manggagawa sa buong bansa.

Sa pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang nasa 597,000 kabataan ang patuloy pa rin sa pagtatrabaho kung saan ang karamihan ay nasa sektor ng agrikultura.

Samantala, tumaas ang kaso ng online sex abuse and exploitation in children (OSAEC) ng 264% noong kasagsagan ng pandemiyang COVID-19.

Ang “sexual exploitation” ay kabilang sa tinatawag na “worst forms of child labor” na tinukoy ng International Labour Organization (ILO).

Sa isang pag-aaral ng Institute for Labor Studies (ILS) na iniharap sa National Stakeholders’ Summit na naglalayong tugunan ang “Worst Forms of Child Labor” at ang “Online Sexual Abuse and Exploitation”, ang nakababahalang mataas na bilang nito ay iniuugnay sa abot-kaya at madaling ma-access na Internet ng bansa.

Ayon kay ILS researcher Frances Camille Dumalaog, “Ang murang halaga ng Internet ang nagiging daan sa mga mahihirap upang mabilis na kumita ng pera.”

Binanggit din sa policy study ang matatag na money transfer ng bansa, mataas na kasanayan sa wikang Ingles, at malawakang kahirapan, bilang mga pangunahing dahilan kung bakit lumalaganap ang OSAEC sa Pilipinas.

Upang matugunan ang isyu ng kahirapan, ang labor department ay nagbibigay ng social amelioration package para sa mga pamilya ng mga natukoy na batang-manggagawa.

“Sa pamamagitan ng [profiling] database, maaaring tukuyin ng DOLE at magbigay ng naaangkop na mga propesyunal na suporta upang alisin ang mga kabataan sa mapanganib na trabaho. Kabilang dito ang pagbibigay ng tulong-pangkabuhayan para sa mga magulang ng mga batang-manggagawa upang patigilin na ang kanilang mga anak sa mapanganib na trabaho,” pahayag sa summit ni DOLE-Bureau of Workers with Special Concerns Director Atty. Ma. Karina Perida-Trayvilla.

Kabilang ang “Project Angel Tree” ng DOLE, Special Program for Employment of Students (SPES), at pinaigting na “Labor Inspection” program sa mga pangunahing programa ng kagawaran para tugunan ang child labor.

Nanawagan din si DOLE Undersecretary at National Council Against Child Labor alternate chairperson Atty. Ana C. Dione para sa sama-samang pagkilos ng mga pangunahing sektor upang “wakasan ang pinnakamasamang anyo ng child labor”.

“Sa kabila ng magkakaibang mandato at layunin, iisa ang ating hangarin siguraduhing ligtas ang mga bata sa masasamang epekto ng child labor,” wika ni Usec. Dione

Ginanap ang dalawang araw na summit, sa pakikipagtulungan ng World Vision’s Project against Child Exploitation (Project ACE), kasama ang mga partner mula sa pambansa at lokal na pamahalaan, non-governmental organization (NGO), civil society, at sektor ng kabataan.

AUTHOR PROFILE