Default Thumbnail

9 na suspek nabingwit sa MPD SACLEO

December 9, 2022 Jonjon Reyes 253 views

TATLONG magkakasunod na oras ang isinagawang operasyon ng Manila Police District (MPD) katuwang ang dalawang himpilan at District Special Operation Unit (DSOU-MPD) kung saan siyam na indibidwal ang inaresto sa magkakahiwalay na lugar sa San Andres Bukid, Binondo, at Parola Compound sa Lungsod ng Maynila, Huwebes ng gabi.

Unang natiklo sa inilatag na operasyon ang tatlong katao sa Crisolita St., Barangay 781 Zone 85, San Andres Bukid, Sta. Ana na pinangunahan ni P/Lt. Renato Ramento ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU).

Ayon kay Police Lt. Col. Orlando Mirando Jr., commander ng MPD Sta. Ana Police Station 6, pasado alas 8:15 ng gabi nang masakote ng kanyang mga tauhan ang tatlong sinasabing “tulak” ng ilegal na droga sa lugar.

Bandang alas 8:48 p.m. si P/Lt. Col. Rexson Layug ng MPD Binondo Police Stn. 11 at mga tauhan nito ay inaresto ang tatlong indibidwal na sangkot sa ilegal na droga sa Binondo.

Dakong alas 9:53 p.m. nang magsagawa din ng “One-Time, Big-Time” ang mga tauhan ni P/Maj. Rommel Reyes Purisima kung saan inaresto rin ang mga kalalakihan na nagsasagawa ng mga ilegal na sugal sa Area D Gate 48 Bgy. 275, sakop ng Binondo at Tondo, Maynila.

Nakuha pang pumalag at nagpulasan ang iba pang naglalaro ng sugal na “cara y cruz” at tatlo ang tuluyang naaresto matapos na makorner ng mga operatiba sa pangunguna ni P/SSgt. Guillen Araño.

Kung kaya’t nang magsagawa ng “Oplan Galugad” at kapkapan ang mga ito, dito na nakitaan ng limang plastic sachets ng shabu ang isang suspek na residente ng Bgy. 275 Parola Compound, Binondo.

Ayon sa kapulisan ng Maynila, patuloy at mananatili ang kanilang 24/7 operasyon dahil na rin sa direktiba ni MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon ang “Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation” (SACLEO).

AUTHOR PROFILE