9 na miyembro ng PAG, sumuko sa Ecija
GENERAL TINIO, Nueva Ecija – Siyam na umano’y miyembro ng “private armed group” (PAG) sa bayang ito ang boluntaryong sumuko sa mga awtoridad dito nitong Lunes.
Sa ulat kay Nueva Ecija top cop Col. Richard V. Caballero, sinabi ni town police head Major Lawrence Lira, ang siyam na sumuko ay pinangunahan ng umano’y “lider” ng grupo na isang kilalang 43-anyos na negosyante, ng Barangay Pias, ng bayang ito.
Isinuko nila ang kanilang mga sarili sa lokal na pulisya, sa Provincial Intelligence-NEPPO at sa Regional Intelligence Unit 3 dito dakong alas-5:50 p.m. ng Hunyo 12.
Gayunpaman, hindi binanggit ng pulisya sa ulat nila kung anong uri ng iligal na aktibidad umano sangkot ang sumukong PAG diumano.
Paulit-ulit na sinubukan ng Journal Group na kunin ang panig ng lokal na pulisya hinggil dito ngunit nanatiling wala silang tugon hanggang sa oras na ito.
Ang siyam na sumuko ay sumailalim umano sa custodial debriefing upang mangalap ng mahahalagang impormasyon na maaaring magamit para sa mga susunod na operasyon ng pulisya, dagdag pa ng ulat.
Nitong nakaraang mga taon, ang bayang ito ay binansagan bilang isang “illegal logging hotspot” sa Nueva Ecija.