9 crew nailigtas sa lumubog na bangka sa Zambo del Norte

December 5, 2022 Zaida I. Delos Reyes 77 views

SIYAM na crew ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) makaraang masira ang bangkang sinasakyan ng mga ito nitong Linggo ng umaga sa karagatang sakop ng Zamboanga del Norte.

Nakilala ang mga biktima na sina Henry Burong, 35; Dirgo Burong, 35; Surati Anapi, 43; Benjar Luntian, 42; Isa Musa, 42; Aldamer Alih, 30; Boy Sagule, 27; Bader Burqhim, 43; at Magno Dalawis, 52; pawang mga residente ng Zamboanga City.

Batay sa ulat ng PCG, ang bangkang de motor ay patungo sa Dipolog City mula sa Hasiman Tanjung, Jolo, Sulu.

Habang nilalayag ng bangka ang karagatan ay inabot ang mga ito ng masamang panahon kung saan hinampas ito ng malalaking alon at tinamaan ng matigas na bagay dahilan upang masira at pasukin ng tubig.

Dakong 3:40 ng madaling araw ay nakahingi ng tulong ang mga crew sa PCG at ibinigay ang kanilang lokasyon.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng PCG at tinungo ang karagatang sakop ng Liloy at Dipolog City, Zamboanga del Sur at nakita ang bangka na halos mapuno na ng tubig.

Nailigtas ang lahat ng crew at hinila ang bangka patungo sa Lamao port.

Matapos ang kaukulang pagsusuri at pagtiyak na ligtas ang kalusugan ng lahat ay pinayagan na ang mga biktima na bumalik sa kanilang mga pamilya.