9-anyos ‘minanyak’ ng tricycle driver

August 30, 2022 Melnie Ragasa-limena 250 views

NAHAHARAP sa kasong paglabag sa RA 7610 ang isang tricycle driver na nagsamantala umano sa isang 9-anyos na batang babae sa loob mismo ng kaniyang tahanan sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City, Lunes ng hapon.

Ang suspek ay nakilalang si Ronnel Quimada Paderan, 22, may asawa, tricycle driver, at residente ng 162 Macaspac Compound, Area 9B, Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Talipapa Police Station 3, bandang 1 p.m. (Agosto 29) nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng suspek sa nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Arvien P Tangan ng PS 3, naglalaro umano ang biktima kasama ang kaniyang pinsan at dalawa pang bata sa harapan ng tahanan ng suspek.

Lumabas umano ng bahay ang suspek at inutusan ang pinsan at mga kalaro ng biktima na hanapin ang kaniyang kapatid na lalaki.

Nang makaalis ang dalawang bata ay pinapasok umano ng suspek ang biktima sa kaniyang bahay at doon ay nilamas nito ang maseselang bahagi ng katawan ng bata.

Sa takot ng biktima nang hahalikan na siya ng supek ay nagsisigaw ito pero tinakpan ng traysikel driver ang bibig ng bata saka puwersahanang inihiga sa kama.

Nang makauwi ang bata ay agad na nagsumbong ito sa kaniyang ina at inireklamo ang suspek na agad namang inaresto ng mga tanod na sina Carlos Buenchuchillo at Eric Sarmiento ng Barangay Pasong Tamo, sa lungsod.