Default Thumbnail

80-taong pagkabilanggo kay Nuezca, banta na sa abusadong pulis!

August 28, 2021 Marlon Purification 354 views

Marlon PurificationDOBLENG habambuhay na pagkabilanggo ang itinawad na hatol ng korte kay dating Police Master Sergeant Jonel Nuezca dahil sa pagpatay sa mag-inang Sonia at Frank Anthony Gregorio sa Paniqui, Tarlac nuong nakalipas na taon.

Batay sa desisyon ni Judge Stela Maria Asuncion, ng Paniqui Regional Trial Court, napatunayang guilty beyond reasonable doubt si Nuezca para sa kasong two counts ng murder.

Pinagbabayad din ng korte ng halos isang milyong piso si Nuezca bilang danyos sa mga naulila ng mga biktima.

Magugunitang nagkasagutan ang mag ina at si Nuezca na dahilan nang pamamaril ng dating pulis sa mag ina.

Ang insidenteng ito ay nag-viral sa social media dahil nakunan ng video ang aktuwal na pagpatay ng akusado sa mga biktima.

Para sa pamilya Gregorio, malaking bagay na ang iginawad na hatol dahil kahit papano’y nakamit na nila ang inaasam na hustisya. Ang masaklap lang, hindi na maibabalik ang buhay ng kanilang mag-ina na araw-araw pa silang nangungulila.

Kaagad ding naglabas ng pahayag si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar hinggil sa Asuncion verdict na magsilbing babala sa lahat ng abusadong pulis.

“Justice is finally served with the conviction with former Police Sergeant Jonel Nuezca. Nauunawaan namin ang pakiramdam ng pamilya Gregorio na hindi ito sapat sa bayolenteng pagkawala ng buhay ng kanilang dalawang kaanak, subalit naipakita rito na umiiral ang hustisya sa ating bansa at kailanman ay hindi kinukunsinti ng inyong Philippine National Police (PNP) ang mga ganitong uri pulis,” ani Guillor.

“This will serve as a lesson that will constantly remind us that as police officers, we are the protectors of the Filipino people not their tormentor,” dagdag pa ng opisyal.

Binigyang-diin ni Eleazar na kahit kailan, wala nang puwang sa pambansang pulisya ang mga abusadong pulis.

Para sa akin, sapat na ang iginawad na hatol ni Judge Asuncion para makamit ang hustisyang hinihingi ng pamilya Gregorio.

Tama ang sinabi ni Guillor na hindi na maibabalik kailanman ang buhay ng mag-ina, ngunit ang maigawad ang hustisya para sa kanila ay malaking bagay pa rin para gumaaang kahit papano ang kanilang kalooban.

Higit na nakahahanga ang maagap na pahayag ni Eleazar na hudyat na rin ito para patunayan na hindi sila kumukunsinti sa mga abusadong alagad ng batas.

Marami na tayong kausap na pulis ngayon. Sila mismo ang nagsasabi sa akin na takot sila sa pagiging disciplinarian ni Eleazar. Pero magandang bagay na rin anila ito para maalis nang tuluyan ang mga bulok na pulis sa PNP.

Marami nang tinanggal na abusadong si Eleazar. Marami na rin ang sinampahan ng kasong administratibo at kriminal.

Kaya asahan na sa susunod na araw ay marami pang tulad ni Nuezca ang mabubulok na sa bilangguan ay matatanggal pa rin sa serbisyo.