EDDYS

7th The EDDYS awards night iere sa AllTV

June 11, 2024 Ian F. Fariñas 142 views

MAS maningning at kaabang-abang ang 7th The EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) awards night ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) na gaganapin sa July 7 sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom, Newport World Resorts, Pasay City.

Mapapanood naman ang delayed telecast nito sa AllTV sa July 14, 10 p.m.

Ang naturang Gabi ng Parangal ay muling ididirek ng award-winning actor/ filmmaker na si Eric Quizon, na siya ring nagdirek ng ika-anim na edisyon ng The EDDYS nu’ng nagdaang taon.

Ang Brightlight Productions ang magsisilbing line producer ng awards night.

Sa pakikipagtulungan ng Newport World Resorts, AllTV at Soundcheck, kasama pa rin ng SPEEd sa pagtatanghal ng 7th The EDDYS ang Globe Telecom bilang major sponsor.

Katuwang din ng grupo ngayong taon ang Beautéderm ni Rhea-Anicoche Tan, Unilab, Camille Villar, former Ilocos Sur Governor Chavit Singson at ang Echo Jham Entertainment Production.

Mamimigay ng 14 acting at technical awards ang SPEEd mula sa mga nominadong pelikula na ipinalabas sa mga sinehan at ilang digital platforms noong 2023.

Tulad sa mga nakaraang taon, magsisilbing highlight ng event ang pagbibigay-pugay sa bagong batch ng EDDYS Icons na itinuturing nang mga haligi ng movie industry.

Una na nga riyan ang posthumous award para sa yumaong comic strip creator, movie producer at direktor na si Carlo J. Caparas para sa natatangi niyang kontribusyon sa Philippine movie industry.

Ang Icon awardees naman ngayong taon sina Nova Villa, Leo Martinez, Lito Lapid, Eva Darren at Gina Alajar.

Ang ilan pa sa mga special award na ipamamahagi ay ang Isah V. Red Award (para sa mga walang sawang tumutulong at nagbibigay-inspirasyon sa mga kababayan nating nangangailangan), ang Joe Quirino at Manny Pichel Awards (para sa mga natatanging miyembro ng entertainment media).

Pararangalan din ang Rising Producer of the Year.

Bilang pagkilala sa mga naging bahagi ng muling pagbangon ng Philippine movie industry, isang special award din ang ibibigay ng SPEEd – ang The EDDYS Box Office Heroes.

Igagawad ito kina Dingdong Dantes, Marian Rivera, Alden Richards, Julia Montes, Kathryn Bernardo at Piolo Pascual.

Ang The EDDYS ay mula sa samahan ng mga entertainment editor sa Pilipinas, na binubuo ng mga current at former entertainment editor ng mga leading broadsheet, top tabloid newspaper at online portals sa Pilipinas.

Ito ay sa pangunguna ng presidenteng si Salve Asis ng Pilipino Star Ngayon at Pang Masa.

AUTHOR PROFILE