Default Thumbnail

78K bd ft ng kahoy ibinigay ng DENR sa Batanes, Cagayan

November 29, 2024 Cory Martinez 177 views

MAHIGIT 78,000 board feet (bd ft) na lumber materials na nagkakahalaga ng P4.6-milyon ang ibinigay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Region 2 sa Batanes at Cagayan para gamitin sa pagpapatayong muli ng mga bahay at paaralan na nasira ng mga bagyo.

Ayon kay DENR Region 2 Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan, may kabuuang 4,791 piraso ng kahoy na binubuo ng 63,260.62 bd ft ang ibinigay sa Batanes para sa rehabilitasyon ng mga bahay sa Basco, Itbayat, Ivana, Mahatao, Sabtang at Uyugan na lubhang naapektuhan ng bagyong Julian.

Galing ang mga kahoy sa mga nakumpiskang forest products na may Orders of Finality, na nasa kustodiya ng DENR sa Cagayan, Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya at mga na-turnover na kahoy mula sa mga mining company sa Nueva Vizcaya.

Ibinigay naman sa Department of Education (DepEd) ang 14,879.92 bd ft na gagamitin sa rehabilitasyon ng mga paaralan sa second district ng Cagayan na lubhang naapektuhan ng bagyong Marce.

Binigyang-diin ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga ang kahalagahan ng whole-of-government approach sa disaster-risk reduction, recovery at reconstruction.

Pinuri ni Loyzaga ang pagsisikap ng DENR Region 2, Office of Civil Defense, Philippine Navy and Air Force at Philippine National Police.

“Despite the challenges posed by successive typhoons, we were able to mobilize our resources and work with our partners to provide the much-needed aid to typhoon victims,” ani Loyzaga.

Samantala, nakatakda namang i-formalize ng DENR Region 2 ang Deed of Donation kay Batanes Governor Marilou Cayco at DepEd Regional Director Benjamin Paragas.

AUTHOR PROFILE