Martin1 BALISONG NG BATANGAS — Binigyan si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng balisong, ang tanyag na butterfly knife na gawa ng Batangas craftsmen, ni Finance Secretary Ralph Recto bilang pasasalamat sa paglungsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Lipa City, Batangas noong Sabado. Kasama nila sina Batangas 1st District Rep. Eric Buhain, 2nd District Rep. Gerville Luistro, 3rd District Rep. Ma. Theresa Collantes, 4th District Rep. Lianda Bolilla at 5th District Rep. Mario Victorio Mariño, at anak ni Sec. Recto na si Ryan Christian Recto. Kuha ni VER NOVENO

70K Batangueños may biyaya mula BPSF, 4 pang gov’t programs

August 25, 2024 People's Tonight 210 views

HALOS 70,000 residente ng lalawigan ng Batangas ang nakinabang sa serbisyo at cash assistance na dala ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) at apat pang programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang kumatawan kay Pangulong Marcos, ang pagbubukas ng BPSF sa Batangas kung saan P563 milyong halaga ng cash assistance at serbisyo ang dinala para sa may 60,000 benepisyaryo.

Ang “Anak ng Batangas” na si Finance Secretary Ralph Recto, na dati ring kinatawan ng distrito ng Batangas, ang nagsilbing punong-abala sa dalawang araw na BPSF sa Lipa City na nagsimula nitong Sabado sa Aboitiz Pitch-Lima Park sa Lipa City.

Dumalo rin sa event ang 143 miyembro ng Kamara de Representantes kabilang si dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. at mga opisyal mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa probinsya at mga ahensya ng gobyerno.

Ayon kay Romualdez, ito na ang ikalawang pagkakataon na nagtungo ang BPSF sa Calabarzon region. Unang bumisita ang caravan sa Sta. Cruz, Laguna, noong Nobyembre 2023.

Ang BPSF Batangas ang ika-22 sa serye ng serbisyo fair na layong magtungo sa lahat ng 82 lalawigan ng bansa upang ilapit ang “Mabilis, Maayos, Maginhawa at Masayang serbisyo publiko.”

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang BPSF ay bahagi ng pagsasakatuparan ng pangako ni Pangulong Marcos na ilapit sa publiko ang serbisyong hatid ng gobyerno.

Sa dalawang araw na event, nasa kabuuang P563 milyong halaga ng mga programa ang inilaan sa buong probinsya, kabilang dito ang P265 milyong halaga ng cash assistance.

Pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang payout ng tulong pinansyal sa 34,000 residente ng Batangas.

Samantala, 9,000 Batangueño naman ang tumanggap ng bigas at cash assistance mula sa Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) Program, Integrated Scholarships and Incentives Program for the Youth (ISIP), at Start-Up, Investments, Business Opportunities and Livelihood (SIBOL) Program.

Ayon kay Romualdez, ang mga programang ito ay binuo alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos na ilapit sa mamamayan ang tulong na ibinibigay ng gobyerno.

Katuwang ang Kamara de Representantes, sinabi ni Speaker Romualdez na humahanap ang gobyerno ng paraan upang matulungan ang mga bulnerableng sektor, gaya ng mahihirap na senior citizens, persons with disabilities (PWDs), single parents, indigenous people at mga katulad nito.

“Sabi nga po ni Pangulong Marcos, no one should be left behind. Kaya itong mga programang ito ay ipinapatupad natin para maabot ang lahat ng kababayan nating nangangailangan ng tulong. Hindi lang ‘yung mga mahihirap, pati ‘yung ating mga near-poor na nahihirapan sa araw-araw na gastos,” sabi ni Speaker Romualdez.

Ang 3,000 benepisyaryo ng CARD Program ay nakatanggap ng tig-P5,000 cash aid sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng DSWD at 20 kilong bigas sa isang simpleng seremonya na ginanap sa Lipa City Youth and Cultural Center noong Agosto 24.

Sa ilalim naman ng ISIP, kabuuang 3,000 estudyante ang binigyan ng tig-P5,000 tulong mula sa AKAP at dagdag na tig-5 kilong bigas. Ginawa ang pamimigay ng ayuda sa Lipa Academy of Sports, Culture and Arts.

Ang mga benepisyaryo ay makatatanggap ng tig-P5,000 ayuda kada anim na buwan upang makatulong sa kanilang gastusin sa pag-aaral. Ang mga benepisyaryo na makapapasok sa Tulong Dunong Program ng Commission on Higher Education (CHED) ay makakukuha rin ng P15,000 scholarship assistance kada taon.

Sila ay bibigyan din ng alokasyon sa Government Internship Program matapos ang kanilang graduation. Kung walang trabaho ang kanilang mga magulang o guardian, ang mga ito ay sasama sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ng DOLE.

Sa ilalim ng SIBOL, tutulungan naman ang mga maliliit na negosyante upang mapalago ang kanilang negosyo. Sila ay binigyan ng tig-P5,000 cash aid at 5 kilong bigas. Ginanap ang pamamahagi ng ayuda sa Claro M. Recto Events Center.

“Lahat ng ito ay katuparan ng pagnanais ni Pangulong Marcos na matulungan ang lahat ng nangangailangan ng tulong. Pero ang mga ito ay mayroong malaking magandang resulta dahil kapag nakabangon ang mga kababayan natin ay tutulong na sila sa paglago ng ating ekonomiya,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

AUTHOR PROFILE