Default Thumbnail

7 terorista patay sa mga opensiba sa Mindanao

March 28, 2023 Zaida I. Delos Reyes 212 views

PITONG miyembro ng teroristang grupo na Dawlah Islamiya (DI) ang nasawi sa sunod-sunod na opensiba ng militar nitong isang linggo sa Mindanao.

Ang mga nasawi ay tagasunod ni Dawlah Islamiya leader Almoben Sebud na wanted sa iba’t-ibang karahasan sa Central Mindanao.

Tatlo sa mga nasawi ay nakilalang sina Badrudin Mendo, Aljim Sandigan, at Aosin Dicaya na pawang mga menor de edad diumano.

Kilala ang grupong Dawlah Islamiya sa paggamit ng mga menor de edad sa kanilang mga terrorist activities.

Sa pinakahuling impormasyon, pinaulanan ng kanyon ng militar ang kuta ng mga terorista malapit sa Liguasan Delta.

Sinabi ni Maj. Alex Rillera, hepe ng Army’s 6th Infantry Division, na ang opensiba ay ginawa kasunod ng ulat mula sa mga residente kaugnay ng presensya ng grupo ni Sebud sa lugar.

Sinasabing naghahanda ang grupo ng pag-atake sa mga non-military targets sa gitna ng paggunita sa Ramadan na pormal na nagsimula noong Marso 24, 2023.