
7 rehiyon na may aktibong PAGs, inilabas ng PNP
PINANGALANAN na ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ang pitong rehiyon sa bansa kung saan mayroong aktibo at “potential” private armed groups (PAGs) na kanilang binabantayan bilang paghahanda sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa darating na Oktubre.
Kabilang sa mga ito ang Ilocos, Central Luzon, Bicol, Western Visayas, Caraga, Cordillera, at Bangsamoro.
“The PNP is also monitoring continuously the activities of 48 private armed groups wherein three of these groups are active and 45 potential PAGs from Region 1, Region 3, Region 5, Region 6, Region 13, Cordillera Administrative Region (CAR), and [Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao],” pahayag ni Acorda.
Kasabay nito, sinabi ni Acorda na inatasan na niya ang mga regional directors sa nasabing mga rehiyon na palakasin ang kanilang kampanya laban sa PAGs upang masiguro na hindi magagamit ang mga ito sa iligal na gawain na may kaugnayan sa BSKE sa Oktubre.
Aniya, nakatanggap ang PNP ng ulat na ilang sa mga elected government officials at potential candidate ang mayroong banta sa buhay kaugnay ng nalalapit na halalan.
“With regards to the threats for some elected officials and some prospective candidates, we do receive these kinds of reports. Appropriate measures are being undertaken,” dagdag pa ni Acorda.
Paliwanag ni Acorda, ginagawa ng PNP ang lahat upang maprotektahan ang lahat at maiwasan ang mga pag-atake o pagkakaroon ng karahasan laban sa may mga natatanggap na banta sa buhay.
“We are taking all the measures na kaya naming gawin just to really carry yung appropriate security and to avoid any further attacks or violence against these persons that are reporting yung risk of their life,” paliwanag ni Acorda.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Acorda ang mga concerned officials at mga kakandidato na mag-apply ng exemption sa gun ban o magpadagdag ng personal security mula sa PNP.