Fajardo

7 pulis sabit sa panloloob sa bahay ng ex-prof, sibak

October 11, 2023 Zaida I. Delos Reyes 537 views

PITONG miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang sinibak sa serbisyo matapos na masangkot sa panloloob sa bahay ng isang retired professor nitong Agosto sa Imus, Cavite.

Kabilang sa mga sinibak sa serbisyo sina Staff Sergeants Jesus Alday, SSGT. Julius Barbon, SSGT. emil buna, Cpl. Jenerald Cadiang, Cpl Lew Amando Antonio, Pat. Reymel Czar Reyes at Pat. Rene Mendoza.

Ang pagsibak sa serbisyo ng pito ay kasunod ng approval ni PNP Chief, Gen. Benjamin Acorda Jr. sa inihaing rekomendasyon ng Internal Affairs Service.

Sa desisyon ng IAS, guilty sa kasong two counts ng less grave misconduct, anim na counts grave misconduct, grave irregularity at conduct unbecoming of a police officer ang mga pulis.

Ayon kay PNP Public Information Office chief at spokesperson Col. Jean Fajardo, malinaw sa CCTV (closed circuit television) na sa paraan ng pagpasok ng pitong pulis (sa bahay) ay walang proper coordination at nasapol din ng CCTV na may mga bitbit na gamit ang mga ito.

“Very clear, CCTV speaks for itself manner pagpasok nila walang proper coordination, may bitbit na gamit alone suffice pagkakasala nasa korte na roberry,” pahayag ni Fajardo.

Abswelto naman sa kaso ang kanilang team leader at chief of police ng Imus, Cavite dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Lusot din sa dismissal si Sr. Master/SGT. Daisy Diones dahil hindi naman ito kasamang pumasok sa bahay.

Nilinaw ni Fajardo na hindi pa tuluyang lusot ang dalawa dahil patuloy pa silang sasailalim sa pre-charge investigation for grave neglect of duty.

“So, bagaman sila ay na-exonerate sa kasong grave misconduct at kasong unbecoming pero hindi pa sila lusot dito because nakasaad sa desisyon na pinirmahan ng ating chief PNP they will be subjected to pre-charge investigation for grave neglect of duty under the doctrine of command responsibility,” pahayag ng opisyal.