7 patay, 3 sugatan sa landslide sa Vizcaya
PITONG miyembro ng pamilya ang nasawi habang tatlong iba pa kabilang ang isang kagawad ng barangay ang nasugatan sa makaraang matabunan ng landslide ang kanilang bahay nitong Linggo ng gabi sa Nueva Vizcaya.
Ayon kay Ambaguio Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Kevin Mariano, naganap ang landslide dakong 11:00 ng gabi sa kasagsagan ng malakas na ulan bunga ng bagyong Pepito.
Nagsasagawa umano ng pre-emptive evacuation ang mga awtoridad sa lugar nang maganap ang landslide.
Abala sa pag-alalay si Barangay Kagawad Celo Calanhi sa mga inililikas na residente nang maganap ang landslide.
Ayon sa ulat, pinalabas ni Calanhi ang kanyang asawa at mga anak mula sa kanilang bahay para lumikas nang biglang gumuho ang lupa sa gilid ng bahay at natabunan ang kanyang tatlong anak at apat na kaanak.
Nakaligtas sa insidente si Calanhi , asawa nito at bunsong anak habang nasawi ang pito nitong kaanak kabilang ang tatlong anak.
Sa ngayon, patuloy ang ginagawang pagbibigay ng tulong ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa mga naapektuhang pamilya ng landslide.
Bukod sa landslide, nakapagtala din ng flash flood sa lugar na ikinasawi rin ng mga alagang hayop partikular ang mga baka na nalunod.