Nepomuceno

7.2 magnitude lindol sa NCR, kikitil ng higit 60K

June 8, 2023 Zaida I. Delos Reyes 369 views

120K katao posibleng mawala

AABOT sa mahigit sa 60,000 katao ang posibleng masawi habang 120,000 iba pa ang maaaring mawala sa sandaling tumama ang magnitude 7.2 magnitude na lindol sa National Capital Region (NCR).

Ito ang inihayag ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Undersecretary Ariel Nepomuceno.

“Doon sa ganoong pag-aaral din, merong in-assume d’yan na merong maaaring masawi na mahigit 60,000 na mga mamamayan,” pahayag ni Nepomuceno.

“At ang mga mawawala, ang assumption 120,000 plus. So kulang-kulang 200,00, napakasamang balita po noon,” dagdag pa ng opisyal.

Ayon kay Nepomuceno, tinatayang nasa 3,000 gusali at bahay ang nakatayo sa idineklarang “fault line.”

Ang pahayag ay ginawa ni Nepomuceno sa ikalawang “Nationwide Earthquake Drill 2023” na pinangunahan ng NDRRMC sa Greenfield District sa Mandaluyong City.

Ang earthquake drill ay sinimulan sa pagpindot ng button na nagpatunog ng malakas na sirena.

Lumahok sa drill ang mga opisyal ng iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno na nagpakita ng tamang “duck, cover at hold protocol.”

Kasama rin sa drill ang agarang pagresponde ng mga awtoridad.

Ipinaliwanag ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr. na ang West Valley Fault ay inaasahang gagalaw tuwing sasapit ang 400 hanggang 600 taon.

Huling nakaranas aniya ang Metro Manila ng “The Big One” noong 1600s.

“Posibleng magkaroon ng malakas na lindol sa ating henerasyon,” pahayag ni Solidum.

Kaya naman payo niya sa publiko ay huwang maging kampante at palagian nang maging handa.

“Ang mga katagang ‘Bahala na si Batman’, ‘Handa akong makipagsapalaran,’ ‘Ipapasadiyos ang kaligtasan,’ ay mga linyang karaniwang maririnig sa isang Pilipino,” dagdag ng opisyal.

“Sa mga nagdaang taon, sa mga lumipas na lindol sa Pilipinas, hindi ba dapat, hindi na si Batman kundi ikaw, tayo ang kikilos para sa ating kaligtasan?” giit ni Solidum.