‘68:32 theory’ kinontra ng PPCRV, Ateneo, UP Data experts

May 14, 2022 People's Tonight 49 views

MISMONG ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at mga eksperto mula sa Ateneo de Manila University (AdMU) at University of the Philippines (UP) School of Statistics ang nagdeklara na walang nangyaring “iregularidad” sa transmittal ng partial at unofficial results ng Comelec (Commision on Elections) Transparency Server kaugnay ng May 9 elections.

Inilabas ng nasabing mga eksperto ang pahayag para pabulaanan ang ilang kumakalat na maling balita base sa pag-aaral na isinagawa upang suriin ang pinagdududahang “68:32 ratio” sa pagitan ng mga botong nakukuha nina presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at out-going Vice-President Leni Robredo.

Ayon kay Dr. William Yu ng PPCRV, upang masagot ng tama at naayon sa siyensya ang naturang issue ay nag-imbita sila ng mga eksperto mula sa Ateneo at UP na mga statisticians, analytical mathematicians at data scientists.

Ipinaliwanag nito na ang sinasabing “68:32 ratio” ay hindi kailanman naging kaduda-duda dahil ito talaga ang lumalabas na resulta sa bawat transmittal ng boto.

Sinabi ni Yu na base sa pag-aaral ng mga eksperto, ginamit nila ang “general principle” ng tinatawag na “Law of Large Numbers” na ang pinakamalapit na numero ay repleksyon ng pinakahuling numero.

Nitong Miyerkules (Mayo 11) ay nag-present din ang mga eksperto sa University of Santo Tomas (UST).

“I guess the conclusion is there is no irregularity in the pattern that you see,” ani PPCRV chair Myla Villanueva.

Idinagdag pa ni Villanueva na nag-imbita rin sila ng mga eksperto mula naman sa University of the Philippines (UP) upang i-analisa ang nasabing ratio.

Kaugnay nito, naglabas ng hiwalay na pahayag ang UP School of Statistics.

“Hindi masasabi ng ‘68:32 ratio trend’ kung mayroong pandaraya sa eleksiyon. Ang mga trend sa transmission ng boto tulad ng ‘68:32’ ratio ay hindi ebidensiya ng pandaraya sa eleksiyon,” sabi ng UP School of Statistics.

“Ang hindi paggalaw ng ‘68:32 ratio’ base sa cumulative totals ay hindi maituturing na irregularity. Mali ang mga kumakalat na analysis base sa cumulative o pinagsama-samang bilang ng boto ng bawat update,” sabi pa ng mga eksperto mula sa UP.

“Kung walang malinaw na konteksto, ang ganitong pattern sa porsiyento ng boto ay hindi maaaring gamiting ebidensiya ng pandaraya,” dagdag pa nila.

“Sa madaling salita, pagkatapos nilang sinuri, wala naman silang nakitang irregularity sa mga pattern na ating nakikita na 68:32,” wika pa ni Villanueva.

“Hinay-hinay lang. Kasi importante din na walang magduda sa ating demokrasya. So please be careful. There’s so much fake news going around,” pagbibigay-diin pa ni Villanueva.

AUTHOR PROFILE