Azurin

600 police officers nag-courtesy resignation na

January 9, 2023 Zaida I. Delos Reyes 259 views

AABOT na sa 600 ranking police officers ang naghain ng “courtesy resignation” bilang tugon sa panawagan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos bilang bahagi ng paglilinis sa hanay opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nasangkot umano sa illegal drugs.

Sa press briefing na ginanap nitong Lunes sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin na mahigit 500 o malapit na sa 600 ang naghain ng courtesy resignation batay sa kanilang tala nitong Linggo.

“As of yesterday, we were able to account more or less 500 to close to 600, as reported ng mga different regions, different units namin,” pahayag ni Azurin.

“Bale, ‘yung iba dito is enroute na papunta dito sa national headquarters because sila ang magko-collate lahat and then ipapasa ‘yan doon sa five-man committee that will be formed by no less than our commander-in-chief,” dagdag pa ng opisyal.

Matatandaang nitong nakalipas na linggo ay nanawagan si Abalos sa mga heneral at full colonels sa PNP na maghain ng courtesy resignation bilang pakikiisa sa kampanya ng gobyerno upang linisin ang kapulisan sa mga opisyal na sangkot sa illegal na bentahan ng droga.

Ayon kay Azurin, umaasa ang PNP na makakatanggap pa sila ng nasa 456 resignations at umaasa din silang aabot sa 956 indibidwal ang magsasampa ng courtesy resignations.

Tiniyak din ni Azurin na maging siya ay sasailalim sa imbestigasyon matapos ang kanyang retirement sa darating na Abril 2023.

“Definitely, hangga’t hindi ako na-clear,” pahayag ng opisyal.