
600 bata nakinabang sa Oplan Tuli sa Tondo
TAGUMPAY ang isinagawang “Oplan Tuli” sa Tondo, Manila na bunga ng patuloy na ugnayan ng mamamayan at mga kapulisan ng Manila Police District-Moriones Police Station 2.
Umaabot sa 600 bata ang nakasama sa libreng tuli.
Pinangunahan ni Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr, station commander, ang programa para sa ginanap na “Pperation Tule” na ginanap kaugnay ng “Endless Community Outreach Program (ECOP) na may kaugnayan sa 28th Police Community Relations (PCR) month 2023.
Kasama si Police Captain Leonardo Bernardo Blanco Jr., ng Station Community Affairs Development Section (SCADS) sa kooperasyon ng Medical Team sa pamumuno ni Dr. Lousito Chua, konsehal ng ika-4 na distrito ng Maynila at ang Station Advisory Group sa pangunguna ni Edwin Fan, chairman ng Buklod at Alyansa ng mga nagkakaisang Anak ng Tondo (BANAT) at ng Batasan Masonic Lodge.
Ginanap ang libreng tule nitong nakaraang linggo bandang 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa Moriones-Tondo Police Station sa panulukan ng J. Nolasco at Morga Streets sa Tondo.
May temang “Serbisyong Nagkakaisa para sa Ligtas at Maunlad na Pamayanan” ang okasyon.