6 patay, 4 sugatan sa shootout sa N. Cotabato

November 24, 2022 Zaida I. Delos Reyes 128 views

ANIM katao ang nasawi kabilang ang isang opisyal na pulis at isang sibilyan habang apat na iba pa ang nasugatan sa naganap na shootout sa pagitan ng mga pulis at magnanakaw sa M’lang North Cotabato.

Kinilala ni M’lang Police Chief P/Lt. Col. Realan Mamon ang mga nasawi na sina Staff Sgt. Rudy Amihan Jr., Jack Gumilao, 53, isang sibilyan at apat na hindi pa nakikilalang suspects.

Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatan na sina Corporal Noli Labesores ng M’lang police; Patrolman Hezron Neyra ng Provincial Police Mobile Force, at sibilyang sina Tweeny Daza ng Barangay Bialong at Jose Patubay ng Barangay Bagumbayan, Tulunan, North Cotabato.

Ayon sa inisyal na ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang shootout dakong 3:00 ng hapon nang pasukin ng mga magnanakaw ang Regz and Kirks Bakeshop sa Barangay Bagontapay sa naturang lugar.

Sinabi ni Mamon na wala namang naiulat na nasugatan sa mga empleyado ng bakeshop.

Umabot aniya sa P17,000 halaga ng salapi at mga kagamitan ang natangay ng mga suspek matapos ang panloloob.

Tumakas ang mga suspek lulan ng dalawang motorsiklo kung saan naka-engkwentro ng mga ito ang mga pulis na nagbabantay sa checkpoint sa Sitio Quitos, Bgy. Dugong.

Sa gitna ng palitan ng putok ay nasawi ang apat na suspek, isang pulis, at isang sibilyan habang nasugatan naman ang apat na iba pa.

Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang isang .45 kalibre ng baril at dalawang motorsiklo

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.