Default Thumbnail

6 na senglot nagrambulan, himas-rehas

July 9, 2023 Edd Reyes 271 views

BUKOL at pasa ang tinamo ng anim na lalaki sa rambulan sa Malabon matapos magkapikunan sa kasagsagan ng kanilang pag-iinuman Linggo ng madaling araw.

Dumalo sa binyagan sina JM Gumagay, 28; Jeylord Morales, 33; Eric Jimenez, 20; Jay Mark Kidlat, 24; Christian Suela, 21; at Rey Escultero, 20, pawang taga- Malabon City.

Kasalukuyang nagpapagaling ng kanilang bukol at pasa sa loob ng rehas na bakal ang anim matapos mag-rambulan nang malasing.

Sa ulat kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, dumalo sa binyagan sa Block 9, Hiwas St, Brgy Longos ang mga sangkot sa kaguluhan at masayang nag-iinuman nang magkapikunan dakong 12:30 ng madaling araw na humantong sa rambulan.

Humingi ng tulong sa barangay ang mga residenteng naistorbo sa kaguluhan kaya’t dinala ang anim sa barangay hall para mag-usap at ayusin ang hindi nila pagkakaunawaan.

Pero habang pinag-aayos sa barangay hall muling nagsigawan hanggang mag rambulan uli na dahilan para humingi na ng tulong sa pulisya ang mga opisyal ng barangay.

Kaagad namang nakapagresponde sa lugar sina P/Cpl Angelo Perez, Pat Marvin Carabeo, Pat Christian Joseph Rodriguez at Pat Ralf Dandy Rosalin ng Malabon Police Sub-Station 5 na nagresulta sa pagkaka-aresto sa mga kalalakihan.

Dinala muna ang anim sa Ospital ng Malabon para magamot ang mga bukol at pasa bago inimbistagahan sa Station Investigation Unit ng Malabon Police Station.

Sasampahan ng kasong Alarm and Scandal sa Malabon City Prosecutor’s Office ang anim na suspek.

AUTHOR PROFILE