Default Thumbnail

6 na distrito sa Maynila, natanggap na ang Christmas food boxes

December 2, 2022 Edd Reyes 260 views

NATAPOS na nina Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang distribusyon ng mga Christmas food boxes sa lahat ng anim na distrito ng Maynila para sa selebrasyon ng “Paskong Manileño 2022.”

Kasama nina Mayor Honey at Vice Mayor Yul Servo ang anim na mga kongresista at mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod (SP) sa ikalawang araw ng distribusyon ng mga Christmas food boxes sa anim na distrito ng Lungsod ng Maynila.

Ayon sa tagapagsalita ng Manila City Hall na si Atty. Princess Abante, umaabot na sa kabuuang 220,000 mga Christmas food boxes para sa 228 na mga barangay ang naipamahagi na sa lahat ng anim na distrito ng lungsod hanggang nitong araw ng Biyernes.

Hapon ng araw ng Biyernes nang magtungo sina Mayor Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo sa covered court ng Barangay 72, Zone 6, Concha St. Tondo upang pangunahang muli ang pamamahagi ng mga Christmas food boxes sa mga residente ng naturang barangay.

“Kahit na mahirap ang buhay natin ngayon, hindi pupuwedeng hindi kami gumawa ng paraan para mayroon kayong pagsaluhan sa darating na Kapaskuhan, kaya pagdamutan po ninyo ang aming nakayanan. Ito po ay galing sa aming mga puso at sana po ngayong hapon ay mapangiti namin kayo,” pahayag ng alkalde sa mga naninirahan sa Brgy. 72.

Sinabi naman ni Atty. Abante na inaasahan ng pamahalaang Lungsod ng Maynila na matatapos ang distribusyon ng halos 700,000 Christmas food boxes sa Disyembre 12, 2022.

AUTHOR PROFILE