Ysidro

6 katao sugatan sa 5.1 na lindol sa Leyte

January 16, 2023 Zaida I. Delos Reyes 416 views

ANIM katao ang nasugatan sa 5.1 lindol na yumanig sa isang bayan ng Leyte nitong Linggo ng gabi.

Batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP), nakilala ang mga nasugatan na sina Leah Delima, 36; Jean Rosa Abilar, 12; Flora Mae Lugo, 22; Ma. Elena Quir, 64; Luciano Quir, 64; at Althea Sofia Abarca, 7, pawang mga residente ng Leyte, Leyte.

Ayon sa update na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang pagyanig ay naitala dakong 8:28 p.m. (Enero 15), sa 3 kilometers southeast ng Leyte.

Dahil sa malakas na pagyanig, nagdesisyon si Leyte Mayor Arnold James Ysidoro na magdeklara ng suspensiyon ng trabaho at klase nitong Lunes (Enero 16) upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

“We have deployed five groups composed of department heads and personnel from different offices to assess the damage caused by the earthquake,” pahayag ni Ysidoro.

Nakiusap din ang alkalde sa mga residente na i-report sa kinauukulan kung may makikita silang crack o basag sa mga gusali.

Naramdaman ang Intensity III na pagyanig sa mga bayan ng Alangalang, Carigara, Babatngon, Barugo, Tacloban City, at Ormoc City, lahat ay matatagpuan sa probinsya ng Leyte.

Sinasabing may ilang mga kabahayan ang napinsala ng lindol sa mga sumandaling ito.

Naitala din ang Intensity IV sa Carigara, Leyte; Intensity III sa Alangalang at Ormoc City, Leyte; Intensity II sa Calubian, Albuera, Leyte at Intensity I sa Borongan City, Eastern Samar at Bogo City, Cebu.

Dagdag ng Phivolcs, posbileng magkaroon ng aftershocks ang lindol. NINA ZAIDA DELOS REYES AT JUN I. LEGASPI