6-anyos napagbintangang magnanakaw, kinatay ng ama
KALUNOS-LUNOS ang sinapit ng isang 6-anyos na batang babae matapos na bugbugin at saksakin hanggang sa mapatay ng sariling ama dahil napagbintangan itong nagnakaw ng pera at bracelet ng kapitbahay nitong Martes ng gabi.
Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang biktimang itinago sa pangalang Rose Ann, residente ng Mainit, Surigao del Norte.
Ayon kay Surigao del Norte Police Provincial Office Director Colonel Nilo T. Texon, naganap ang insidente sa tahanan ng mag-ama dakong 7:00 ng gabi.
Nagalit umano ang suspect na itinago sa pangalang Kristoferson sa kanyang anak dahil napagbintangan itong nagnakaw ng pera at bracelet ng kanilang kapitbahay kaya’t nang umuwi ng bahay ang biktima ay agad niya itong binugbog.
Hindi pa nakuntento ang suspect at kinuha nito ang isang patalim na kung tawagin sa kanila ay sundangay at pinagsasaksak ang bata.
Nadala pa ang biktima sa pagamutan subalit idineklara itong dead on arrival ng mga doctor.
Arestado naman ang suspect at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso sa piskalya ng probinsya.