Default Thumbnail

54 pulis, tiniketan sa loob ng Camp Bagong Diwa

October 21, 2022 Edd Reyes 466 views

BINIGYANG papuri ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Brig. Gen. Jonnel Estomo ang hepe ng Regional Headquarters Support Unit (RHSU) na nanguna sa isinagawang “Oplan Sita” sa loob mismo ng Camp Bagong Diwa Huwebes ng hapon na layuning bigyang disiplina ang kanilang mga kabaro.

Umabot sa kabuuang 54 na tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang na-isyuhan ng tiket ng RHSU sa pangunguna ni P/Col. Wilson Doromal, kasama ang iba pang unit ng kapulisan, sa ginawang pagpapatupad sa mga panuntunan at regulasyon batay sa umiiral na batas sa ilalim ng RA 4136 o ang Camp Rules and Regulation sa Camp Bagong Diwa New Gate, Bicutan, Taguig City.

Bukod sa pag-iisyu ng citation ticket, binigyan din ng babala ng RHSU ang mga nasita sa ginawa nilang iba’t-ibang uri ng paglabag kabilang ang kawalan ng lisensiya sa pagmamaneho, walang helmet, paggamit ng hindi naka-rehistrong sasakyan, walang police decal o pasong decal at hindi pagdadala ng kopya ng kanilang rehistro at official receipt na labas sa umiiral na ordinansa sa Lungsod ng Taguig.

Ayon kay Estomo, ang naturang operasyon ay isinagawa ng RHSU kasama ang Regional Highway Patrol Unit-National Capital Region (RHPU-NCR) na pinangunahan ni P/Capt Felix Paor, Counterintelligence and Security Section-Regional Intelligence Division (CSS-RID) sa pangunguna ni P/Maj. Ember Ilumba; P/SSgt. Marvin Balasa ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB), Taguig City Police Station at Traffic Management Office-Taguig sa ilalim ng pamamahala ni Nilo Formento.

Ayon kay Estomo, ang isinagawang operasyon na pinangunahan ng kanilang Camp Commander ay nagpapatunay lamang na walang “exempted” sa umiiral na batas, ordinansa at panuntunan sa loob ng kanilang headquarters, lalo na sa kanilang mga kabaro.

“As we intensify our internal cleansing program, we will be enforcing the law without fear and favor. We will continuously improve our system and organization in order to protect and serve the people,” pahayag pa ng NCRPO chief.

AUTHOR PROFILE