Malapitan

5 UCC-College of Law Bar takers, abogado na

April 12, 2022 Edd Reyes 143 views

NAGPAHATID ng pagbati si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan sa limang mga bagong abogado na kabilang sa kauna-unahang batch ng University of Caloocan City (UCC)-College of Law na pumasa sa 2020-2021 Bar Exams.

Ang mga bagong abogado, ayon sa alkalde na mula sa UCC, ay sina Atty. Sheena Reyes-Bellen, Atty. Roberto Damian, Atty. Krizia Pia, Atty. Amiel Secretario, at Atty. Michael Villalon na dahil sa kanilang husay at talino, ang UCC ay nakapagkamit ng 83.33% passing rate.

Ang taos-pusong pasasalamat ni Mayor Oca Malapitan ay ipinaabot sa mga bagong abogado na produkto ng UCC-College of Law, ang kauna-unahang Law School sa buong CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela).

Ito ay binuksan taong 2017 sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Oca at naisakatuparan sa pamamagitan ng ordinansang isinulong ni Cong. Along Malapitan noong siya ay konsehal pa lamang.

“Simula nang manungkulan ako bilang Ama ng Caloocan, ang larangan ng edukasyon ang isa sa aking pinaka-pinagtuunan ng pansin. Gusto ko na sa Caloocan manggagaling ang mga susunod na magagaling na guro, pulis, accountant, at ngayon abogado naman,” pahayag ni Mayor Oca.

Samantala, ilang buwan na lamang din ang inaasahan at bubuksan na ang College of Engineering sa oras na matapos na ang konstruksyon ng UCC Bagong Silang.

Bukod pa rito, isa sa mga isusulong ng pambato para Mayor ng Team Aksyon at Malasakit, Along Malapitan, ang pagtatatag naman ng College of Nursing sa unibersidad kung siya ang mananalong susunod na alkalde ng lungsod.

“Isa lamang ito sa mga patunay na dito sa Caloocan, prayoridad at ipagpapatuloy ng Malapitan administration ang pagbibigay ng kalidad na edukasyon para sa magandang kinabukasan ng mga Batang Caloocan,” dagdag ni Mayor Oca.

AUTHOR PROFILE