Garments Sinisiyasat ng isang policewoman ang mga narekober na overrun garments matapos na mabawi ito sa isang entrapment operation. Kuha ni Jon-jon Reyes

5 suspek nasakote sa nakaw na P5M na ‘overrun’ garments

January 19, 2023 Jonjon Reyes 472 views

LIMANG katao ang inaresto na sinasabing sangkot sa pagbebenta ng nakaw na “overrun” garments na nagkakahalaga ng P5 milyong mula sa warehouse ng isang RTW businessman sa Paco, Maynila.

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas 9:30 ng umaga nang madiskubre ng isang saleslady ang insidente nang magbukas ito ng bodega na nawawala na ang mga padlock habang ang isa pang padlock ay napalitan na.

Agad nitong ipinagbigay alam sa kanyang among negosyante ang insidente na siyang nagpasaklolo naman sa Ermita Police Station (PS 5) sa pamumuno ni P/Lt. Col. Leandro Gutierrez.

Nalaman na ang naturang mga nawawalang damit na “overruns” at banglatops na nasa 500 piraso na box ay iniaalok ng “for sale” sa Facebook Marketplace kaya agad na nagsagawa ng isang entrapment operation ang mga operatiba.

Nagpanggap naman na buyer ang isa pang saleslady na empleyado ng biktimang negosyante na siyang nakipag-transaksyon naman sa isang “Jemmilyn Ochoa” na online seller diumano.

Nagkasundo na magkita ang dalawa sa kahabaan ng Juan Luna St., sa Tondo kung saan dumating ang poseur buyer sakay ng van kasama ang iba pa kabilang ang mga operatiba. Dito na ibinigay ang hudyat para arestuhin ang mga suspek.

Narekober sa mga suspek ang 35 box na lamang ng overrun garments, banglatops na nagkakahalaga ng P630,000 na dinala naman sa Thief and Robbery Section sa MPD (Manila Police District) Headquarters ang mga suspek.

Kusa namang sumama sa kapulisan ang dalawang babaeng suspek na magsisilbing testigo laban sa tatlo kung saan nila nakuha ang mga nakaw na garments.

Agad namang nagpaabot ng pasasalamat at pagbati si MPD Director P/Brigadier Gen. Andre P. Dizon sa mga kapulisan ng MPD PS 5 at maging ang mga operatiba ng Thief and Robbery Section sa mabilis na aksyon nito.

AUTHOR PROFILE