Minors Photo courtesy of DOJ-IACAT

5 minors isinadlak ng sariling ina sa online sex trafficking

May 26, 2023 Hector Lawas 200 views

DINAKIP ng mga awtoridad ang isang walang pusong ina na isinadlak umano ang kaniyang limang inosenteng mga anak, na may edad na dalawa hanggang 17, sa kahindik-hindik na mundo ng online sex trafficking of children.

Ito ang ipinahayag ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa ilalim ng Department of Justice, ngunit nananatiling tikom ang bibig nito tungkol sa pagkakakilanlan ng suspek.

Ang pag-aresto ay naganap matapos na makakuha ang National Bureau of Investigation-Anti-Human Trafficking Division (NBI-AHTRAD) ng isang Warrant to Search, Seizure, and Examine Computer Data mula sa Regional Trial Court ng Makati City.

Bunsod nito, sinampahan ng patong-patong na asunto ang ina, na kinabibilangan ng paglabag sa Republic Act (RA) 11930 na nagtatalakay sa mga karumaldumal na krimen ng Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials.

Bukod dito, siya ay humaharap din ng mga kaso sa ilalim ng RA 11862, ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, as amended, at RA 7610 o ang Anti-Child Abuse Law.

Ang operasyon na humantong sa pagkahuli ng ina ay isinagawa ng NBI-AHTRAD, sa tulong ng IACAT Operations Center at ng Municipal Social Welfare Development Office (MSWDO), noong ika-23 ng Mayo.

“Ang limang mga bata ay matagumpay na iniligtas at ngayon ay nasa pangangalaga ng MSWDO, kung saan sila ay tatanggap ng tirahan at counseling na labis na kailangan nila,” ibinunyag ng isang tagapagsalita ng IACAT.

Nakumpiska sa ina ang mga smartphones na pinaniniwalaang ginamit niya sa kaniyang mga masamang gawain.

Sa isang masusing pagsusuri sa mga smartphones na nakumpiska sa ina, nabunyag ang mga mahahalay na panourin at pagsasamantala na ginawa niya umano sa kaniyang mga anak.

AUTHOR PROFILE