Default Thumbnail

5 mangingisdang luminya sa shabu, nasakote sa buy-bust

March 25, 2023 Edd Reyes 208 views

SA kulungan bumagsak ang limang mangingisda na nagpasiyang luminya sa iligal na droga sa pag-aakalang makakaahon sa kahirapan matapos kumagat sa pain ng pulisya Sabado ng madaling araw sa Navotas City.

Sa ulat na natanggap ni Northern Police District (NPD) Director P/Brigadier Gen. Ponce Rogelio Penones, Jr. kay Navotas police chief P/Col. Allan Umipig, nagsagawa ng mahigit isang linggong paniniktik ang mga tauhan ni P/Capt. Luis Rufo, Jr. Officer-in-Charge (OIC) ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) laban sa isang alyas “Onse” nang matanggap nila ang impormasyon hinggil sa malakihang pagbebenta nito ng iligal na droga.

Nang magpositibo ang impormasyon, ikinasa nina Rufo ang buy-bust operation dakong ala-1:30 ng madaling araw sa harap ng bahay ng suspek na si alyas “Onse”, 44, sa Barangay Tangos North kung saan nagsilbing poseur buyer si P/SSgt. Jaycito Ferrer, kasama bilang backup si P/SSgt. Joey Ang III.

Habang tinatanggap ng suspek ang P12,500 na markadong salapi kay Ferrer, kapalit ng isang plastic sachet na may lamang shabu, nasulyapan nila ni Ang ang apat na kalalakihang nagsasagawa ng “pot session” sa loob ng bahay na nagresulta rin sa kanilang pagkakadakip.

Ayon kay Rufo, pawang mga mangingisda rin tulad ng pangunahing suspek ang mga nahuling umiiskor umano ng shabu sa lugar.

Narekober ang tinatayang 30 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P204,000, markadong salapi, pati na mga gamit na drug paraphernalia tulad ng mga aluminum foil na may bahid ng shabu, at disposable lighter.

Patong-patong na kasong paglabag sa Section 5 (Sale), Section 11 (Possession of Dangerous Drug), Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia) at Section 15 (Used of Dangerous Drug), Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang kinakaharap ngayon ng mga mangingisdang nag-ambisyon ng malaking kita sa piskalya ng Navotas City.

AUTHOR PROFILE