Azurin

5-Man Committee, 2 beses na magpupulong kada linggo

February 27, 2023 Zaida I. Delos Reyes 245 views

DALAWANG beses magpupulong sa isang linggo ang “5-Man Committee” na siyang magre-review sa courtesy resignations ng mga heneral at colonel sa Philippine National Police (PNP) upang malaman kung may kaugnayan ang mga ito sa pamamayagpag ng ilegal na droga sa bansa.

Ito ang inihayag nitong Lunes ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr.

Ayon kay Azurin, napagkasunduan ng advisory group kung saan isa siyang miyembro na magkita dalawang beses sa isang linggo para sa screening process.

“We will be meeting twice a week. Ang next meeting namin will be Wednesday and Thursday, ‘yun ang napag-usapan namin para mabilis yung pag-evaluate and assess namin sa mga third-level officers natin,” pahayag ni Azurin.

Kabilang sa miyembro ng advisory group sina dating Defense Secretary Gilbert Teodoro, retired general at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Office of the Presidential Adviser on Military Affairs Undersecretary Isagani Nerez, at retired Court of Appeals (CA) Associate Justice Melchor Sadang.

Sa kasalukuyan, aabot sa 118 opisyal ng PNP na naghain ng courtesy resignation ang na-evaluate at na-assess sa unang pagpupulong ng grupo nitong nakalipas na linggo.

“We are finalizing ‘yung aming recommendation para i-forward sa Napolcom (National Police Commission) para sa kanilang review and evaluation. ‘Yung mga positions nila is from being a commander, from being a team leader and from being staff officers ng mga iba’t-ibang unit dito sa PNP,” pahayag ni Azurin.

Batay sa napagkasunduan, ang mga opisyal na matataggap ang resignation ay mapipilitang mag-retiro kahit pa may ilang taon pa silang natitira upang manatili serbisyo bilang mga pulis.

Ang mandatory retirement age sa mga uniformed personnel ng PNP ay 56 at ang mga heneral at colonel na uutusang mag-resign ay mayroon pang tinatayang walong taong matitira sa serbisyo.

Sa susunod na tatlong buwan ay hihingiin na ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. sa komite ang listahan ng mga pangalan ng mga heneral at colonel na tatanggapin ang resignation letter upang ipasa sa Napolcom para sa isa pang round ng verification bago isumite ang rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ang hakbang ay naglalayong linisin ang PNP sa mga opisyal na posibleng sangkot o “protektor” ng sindikato ng droga sa bansa.