5 drug suspek laglag sa NE
CABANATUAN CITY–Limang hinihinalang nagbebenta ng droga ang nahuli noong Huwebes at Biyernes sa tatlong bayan ng Nueva Ecija at P25,704 na halaga ng shabu ang narekover ng mga pulis.
Noong Huwebes, nahuli ng mga anti-illegal drug operatives ng Jaen police ang tatlong suspek sa Brgy. Dampulan dakong alas-11:00 ng gabi.
Humantong sa pagkakasamsam ng 3.05 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P20,740 ang pagkakaaresto sa tatlo.
Isa pang operasyon na isinagawa sa Brgy. Cabucbucan, Rizal dakong alas-3:30 ng hapon ang nagresulta sa pagkakatimbog sa 23-anyos na obrero na nakuhanan ng 0.55 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3,700.
Naaresto ang isa pang drug suspek na nakuhanan ng 0.18 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,224.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2004 ang mga naarestong suspek.
“Ang bawat operasyon at pag-aresto maglalapit sa amin sa pagtiyak ng kaligtasan at kagalingan ng aming mga komunidad.
Tuloy-tuloy ang laban sa iligal na droga at sa walang patid na pagsisikap, magpapatuloy tayo sa paghahangad ng hustisya at Nueva Ecija na walang droga,” sabi ni P/Col. Ferdinand Germino, hepe ng Nueva Ecija police.