Duterte

5 days quarantine, hiling ng Turismo

October 3, 2021 People's Tonight 343 views

NAGPASALAMAT ang Turismo Isulong Mo Partylist kay Pangulong Duterte sa plano nitong gawing pitong araw na lang ang quarantine ng mga biyahero papasok ng ating bansa.

Ayon kay Turismo Nominee Marco Bautista, “malaking ginhawa po sa plano ng pangulo na iiklian ang quarantine ng mga darating sa ating bayan lalo na po sa mga OFW natin at mga balikbayan.”

Pero may suhestiyon si Bautista sa pamahalaan na kung maaring gawin na lamang limang araw na lang ang quarantine ng mga pabalik nating kababayan sa bansa.

“May mga OFW kasi tayo na dalawa hanggang tatlong linggo lamang sila pinapayagan mag-leave ng kanilang employer sa abroad. Kung two weeks lang kasi ang leave nila, halos kalahati na ng bakasyon nila ay naubos na sa quarantine hotel pa lang,” ayon kay Bautista.

Paliwanag ng Turismo Nominee, “pero dapat before sila dumating sa bansa ay may negative COVID test result na sila. At pagdating nila dito, magpa-RT-PCR testing sila after three days upon arrival. And kung the fifth day ay negative pa rin siya, pwede na siya umuwi.”

Sa ngayon, umaabot sa 10 araw ang quarantine ng mga arriving passengers sa hotel.

Sasailalim sila sa RT-PCR testing sa ikapitong araw araw at sa ika-10 araw ay maaari na silang makauwi sa kanilang tahanan ngunit kailangan pa ring tapusin ang 14-day quarantine sa bahay.

“Kapag nabawasan kasi ang quarantine period, tiyak aangat na muli ang ating turismo at arrivals ang mga OFW at kababayan natin,” dagdag pa ni Bautista.

AUTHOR PROFILE