5 ASG sumuko sa Basilan
LIMANG miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang sumuko sa tropa ng pamahalaan sa Isabela City, Basilan.
Ayon kay Brig. Gen. Alvin Luzon, commander ng Joint Task Force Basilan , ang mga dating bandido ay nagdesisyong magbalik-loob sa gobyerno sa pagsusumikap ng 18th Infantry Battalion, Joint Peace and Security Team, at local government unit ng Albarka at Sumisip.
Ang mga nagsisuko ay kinilala lamang sa mga alyas na “Idol” at “Piping,” kapwa kasapi ng Bayali Splinters at may warrants of arrest para sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention.
Ang tatlo naman ay sina Hussin, supporter ng napatay na si ASG leader Furuji Indama; “Rajim” at “Man.”
Isinuko din ng limang dating bandido ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng dalawang 5.56mm M16 rifles, isang 40mm grenade launcher, isang M1 Garand rifle, at isang Colt AR-15.
Pinuri naman ni Armed Forces Western Mindanao Command commander Major Gen. Steve Crespillo ang JTF Basilan sa tagumpay na pagsuko ng 5 ASG.
Kaugnay nito, tiniyak ng opisyal na patuloy nilang palalakasin ang pakikipagtulungan sa kanilang mga katuwang at stakeholders upang mapanatili ang kapayapaan sa Basilan at sa mga karatig nitong lalawigan.