Medina

5 arestado kabilang ang ilang MWP sa Kyusi

April 21, 2022 Melnie Ragasa-limena 101 views

LIMANG “wanted” sa batas ang nasakote ng mga awtoridad na kinabibilangan ng isang Taiwanese at 51-anyos na lalaki na kumukuha ng police clearance sa Quezon City, nitong Miyerkules.

Sa report kay Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Remus B Medina, ang suspek na si Edmundo Pangilinan, 51, nakatira sa Bgy. Masambong, Quezon City, ay inaresto ng Police Clearance Office na pinamunuan ni PLt. Jun Alvarez.

Si Pangilinan ay kumuha ng police clearance sa Quezon City Hall dakong 10:00 ng umaga, Abril 20, subalit may lumitaw na “hit” sa kaniyang pangalan at doon ay napag-alamang may nakabinbin itong warrant of arrest para sa kasong “qualified theft” na inilabas ni Judge Editha G Mina-Aguba ng Branch 100, QC Regional Trial Court (RTC).

Samantala, naaresto naman ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa pamumuno ni PLt. Col. Mark Julio Abong ang no. 5 District-Level “Most Wanted Person” (MWP) na kinilalang si Mack Antonie Isidro, 36, ng Bgy. Roxas, sa lungsod, sa kasong rape.

Ang no. 1 MWP naman ng Barotac Viejo Municipal Police Station na kinilalang si Sonny Nagma, 55, nakatira sa West Fairview, QC ay inaresto sa kasong rape at may warrant of arrest na inisyu ni Judge Rogelio Amador, ng Br. 66, RTC 6th Judicial Region, Barotac Viejo, Iloilo.

Inihain din ng Cubao Police Station (PS 7) na pinamunuan ni PLt. Col. Elizabeth Jasmin ang warrant of arrest laban kay Daniel David, 18, ng Bgy. San Roque, QC, sa kasong theft.

Kaugnay nito, sinabi naman ni District Mobile Force Battalion Commander, PCol. Christopher Olazo, hinainan ng warrant of arrest ang akusadong si Zheng Zhi-Hao alias “Jerry Zheng”, 36, businessman, Taiwanese national, nitong Abril 20, bandang 11:50 ng umaga sa kaniyang tahanan sa Atlanta Center Annapolis St., San Juan City.

Si Zhi-Hao ay may warrant of arrest sa paglabag ng Unauthorized Practice Of Architecture na inisyu noong Enero 17, 2022 ni Judge Ronaldo B. Reyes, ng Br. 58, Metropolitan Trial Court San Juan.

Ang mga hukumang pinagmulan ng mga utos ng pagdakip ay aabisuhan sa pagkaaresto ng mga akusado.

“Sisiguraduhin po namin na mas paiigtingin pa namin ang aming operasyon upang tugisin ang mga nagkasala at lumabag sa batas,” pahayag ni PBGen. Medina.