Libanan1

4Ps party-list solon hiniling na gawing regular DSWD personnel

September 7, 2022 Ryan Ponce Pacpaco 255 views

HINILING ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Erwin Tulfo na simulan ang regularization ng mahigit sa 800 kawani ng ahensiya lalo’t ang mga ito ang nagpapatupad ng social protection programs na dapat lamang mayroong security of tenure sa kanilang trabaho.

Sa budget hearing ng Kamara de Representantes, sinabi ni Libanan, isang abogado, na lumabas na mayroong 32,842-strong workforce sa buong bansa ang DSWD kung saan 3,286 lamang sa mga ito ang mayroong regular na posisyon.

Base sa opisyal na datos, 15,811 kawani ng DSWD Central Office ang napabalitang nasa ilalim ng contract of service (COS) o job order workers na halos kalahati ng workforce ng departamento.

Sinabi ni Libanan na hindi magandang manatiling contractual o job order ang posisyon ng mga ito lalo’t may kinalaman ang mandato ng DSWD sa pangangalaga ng nangangailangang mga Filipino.

Ayon kay Libanan, maaapektuhan rin ang kalidad ng serbisyo kung ang mga masisipag na mga kawani ng DSWD ay aalis na lamang upang maghanap ng mas magandang oportunidad.

“The DSWD, being one of the most important agencies of the Philippine government, should have more institutional support to be able to regularize hardworking individuals and boost their morale,” ani Libanan.

Pinuri rin ni Libanan ang kasipagan ng mga kawani ng DSWD sa pagkakaloob ng serbisyo sa mga tao.

Nangako si Libanan na susuportahan ang ang pagkuha ng DSWD ng sapat na pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM) para ma-regular ang mga kawani ng departamento.

“Just give us the information that we need so we can request for the creation of permanent positions,” ani Libanan.

Sinabi ni Tulfo, dumalo sa pagdinig, na nauna nang hiniling ng DSWD sa DBM na gawing regular ang 846 contract of service positions at nagsisimula na ang proseso para dito.

AUTHOR PROFILE