Default Thumbnail

40 nailigtas sa salpukan ng barko sa Occ. Mindoro

June 7, 2023 Zaida I. Delos Reyes 324 views

APATNAPUNG indibidwal ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos na magbanggaan ang isang fishing vessel at isa pang barko nitong Martes sa Cabra Island, Occidental Mindoro.

Batay sa ulat ng PCG, naganap ang insidente dakong 4:15 ng madaling araw sa karagatang sakop ng Cabra island.

Ayon sa ulat, nasa gitna ng pangingisda ang fishing vessel na Ron Kirby 4 nang bigla itong mabangga ng isa pang barko.

Dahil dito, napinsala ang outrigger ng fishing vessel dahilan upang ilikas ang may 40 crew members nito.

Agad namang nagtungo ang BRP Bagacay upang tulungang ibiyahe ang mga nasagip na crew members patungo sa Calatagan Port sa Batangas.

Sa ngayon nasa ligtas nang kalagayan ang mga nasagip na crew members.

Nakipag-ugnayan na rin ang PCG Station-Batangas sa Philippine National Police (PNP) upang alamin ang detalye ng barkong nakabangga sa fishing vessel.