4 timbog, P1M shabu kumpiskado sa Bicol

December 5, 2022 Zaida I. Delos Reyes 141 views

APAT na hinihinalang drug “pushers” kabilang ang dalawang itinuturing na “high-value target” o HVT ang naaresto habang aabot sa P1 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa magkahiwalay na anti-drug operation sa Bicol region.

Ayon kay Police Regional Office (PRO) 5 spokesperson Lt. Col. Maria Luisa Calubaquib, aabot sa 165 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.12 million ang nakuha sa dalawang operasyon.

Ang pinakahuling operasyon ay isinagawa nitong Linggo sa Barangay San Felipe, Naga City na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek na mga residente ng Malaking Pulo, Tanauan sa Batangas.

Nakuha mula sa kanila ang halos 105 gramo mg shabu na nagkakahalaga ng P714,000.

Sa Camarines Norte, nadakip ang dalawang pawang mga itinuturing na HVTs.

Sila ay naaresto sa isang buy-bust operation sa Purok 3, Barangay Calangcawan Sur in Vinzons, Camarines Norte.

Nakuha mula sa mga suspects ang 60 gramo ng shabu na nagkakahalaga mg P408,000.

Ang mga naaresto ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o mas kilala sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.