Default Thumbnail

4 terorista, 1 sundalo dedo sa Lanao del Sur

June 2, 2023 Zaida I. Delos Reyes 207 views

LIMA katao kabilang ang apat na miyembro ng teroristang Dawlah Islamiya (DI) ang nasawi habang tatlong sundalo ang nasugatan sa naganap na engkwentro nitong Miyerkules sa Barangay Piangologan, Marogong, Lanao del Sur.

Pansamantala munang hindi pinangalanan ang mga nasawi at nasugatang sundalo para sa kapakanan ng kanilang pamilya.

Sinabi ni Joint Task Force ZamPeLan commander Major General Antonio Nafarrete, sa gitna ng bakbakan ay nailigtas ang dalawang menor de edad na kinabibilangan ng isang babae na pawang mga miyembro ng teroristang grupo.

Narekober din sa pinangyarihan ng bakbakan ang iba’t-ibang armas, mga bala at mga pasabog.

Nauna rito, iniulat ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) na nitong Lunes ay umabot sa 4,000 residente ang lumikas matapos na magbanta ang mga terorista na lulusubin diumano ang bayan ng Marogong.

Ayon kay PRO-BAR chief Police Brig. Gen. Allan Nobleza, tinututukan ng PNP (Philippine National Police) ang sitwasyon upang mabigyan ng proteksyon ang mga residente sa lugar laban sa mga pagbabanta ng DI-Maute Group.

“The National Government, especially the leadership of the PNP, is very much [concerned] about the security and safety of the people of Marogong, considering that the threat posed by DI-MG in this municipality is very eminent because of the pronouncement through the social media of the leader of DI-MG,” pahayag ni Nobleza.

Nagtalaga na rin ng karagdagang puwersa ng pulis at militar sa lugar upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa lugar.