Redrico Maranan

4 rent tangay gang members tiklo

December 3, 2023 Melnie Ragasa-limena 141 views

NASAKOTE ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na suspek na miyembro ng rent tangay group na expert mag-rent ng sasakyan pero hindi na ibabalik sa may-ari sa Quezon City noong Huwebes.

Kinilala ni PBGen. Redrico Maranan, director ng QCPD, ang mga naaresto na sina Carlo Edrian Duran Maldo, 26; Mark Jason Vallega Josue, 24; Joel Tumala Jasareno, 43, mga residente ng Tondo, Maynila; at Richard Rosel Cuason, 40, ng Sta. Cruz, Maynila.

Lumalabas sa imbestigasyon na noong Nob. 28, nirentahan ni Maldo ang isang itim na Toyota Vios (DAV 3417) na pagmamay-ari ni Aljory Morales.

Sinabi ng suspek na gagamitin ang kotse mula Nob. 28 hanggang Nob. 30.

Hindi na naibalik ang sasakyan ng biktima sa napagkasunduang araw.

Sinubukan ni Morales hanapin ang sasakyan sa pamamagitan ng naka-install na GPS sa Vios pero gumana ang GPS.

Kasunod nito, natuklasan niya ang iba’t-ibang post ni Maldo sa Facebook kaya agad siyang humingi ng tulong sa Novaliches Police Station (PS 4) para mabawi ang kanyang sasakyan at matimbog ang mga suspek.

Naispatan ang sasakyan ni Morales sa operation ang mga operatiba ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) at PS 4 sa General Luis St., Brgy. Nova Proper, Novaliches, Quezon City.

Nilapitan ng mga operatiba ang sasakyan at inutusan ang mga sakay nito na bumaba at hiniling ang mga kaukulang dokumento.

Nabigo ang mga suspek na magpakita ng anumang dokumento kaya na humantong sa kanilang pag-aresto at nabawi ang sasakyan.

Napag alaman na magkakasabwat umano ang mga suspek sa isang rent tangay scheme at si Maldo ang taga-rent; si Josue ang naghahanap ng buyer; si Cuason ang gagawa ng mga pekeng dokumento; at si Jasareno ang driver.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa R.A. 10883, o ang Bagong Anti-Carnapping Law ng 2016, sa Quezon City Prosecutor’s Office.

“Hindi namin kukunsintihin ang mga ganoong gawain at ang aming mga dedikadong operatiba ay patuloy na magsisikap nang walang pagod,” sabi ni Maranan.